Mga tamang gagawin para lumiit ang bilbil  

MARAMI ang may problema sa lumalaking bilbil lalo na pag nagkakaedad. Kung overweight at kulang sa ehersisyo ay puwedeng lumaki ang bilbil.

Ano ang gagawin para mapaliit ito?

Narito ang ilang payo na makatutulong:

1. Uminom ng isang basong tubig bago kumain. Nakabubusog ang tubig at mas kaunti ang iyong makakain.

2. Kumain ng mas madalas pero kaunti lamang. Ang isang saging o mansanas ay puwedeng pangmer­yenda na.

3. Bawasan ang pagkain ng kanin. Kung dati-rati ay dalawang tasang kanin, gawin na lang isang tasang kanin.

4. Kumain ng mas mabagal. Kapag mabagal kumain, mas mararamdaman ang pagkabusog at mababawasan ang makakain.

5. Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang apat na beses kada linggo. Subukang mag-aerobic exercise ng 30 minutos hanggang isang oras.

6. Palakasin ang muscle sa tiyan. Mag-aral ng mga ehersisyo para lumakas ang tiyan, tulad ng stomach crunches.

7. Magkaroon ng tamang tindig (posture). Huwag maging kuba sa pag-upo at pagtayo.

8. Umiwas sa matatamis na inumin tulad ng softdrinks, iced tea at juices. Nakatataba ito at nakakadagdag sa laki ng bilbil.

9. Kumain ng almusal araw-araw. Kapag hindi ka nag-almusal, mas gugutumin ka pagdating ng tanghalian at mapa­parami ang iyong makakain.

10. Bawasan ang pag-inom ng alak at beer. Nakalalaki iyan ng bilbil.

11. Bawasan ang pagkain ng maaalat. Ang asin at alat ay nagdudulot ng pagmamanas ng katawan.

12. Kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas araw-araw. Umiwas sa matataba at mamantikang pagkain.

13. Maglakad ng madalas at umakyat ng isa o dalawang palapag ng hagdanan.

14. Bawasan ang stress at matulog ng sapat.

15. Maging masipag. Ituloy lang ang mabuting pamumuhay para hindi lumaki ang bilbil.

Show comments