EDITORYAL - Sapat ang suplay ng sibuyas, ba’t aangkat?
Ayon sa grupo ng mga magsasaka at nagtatanim ng sibuyas, dapat magkaroon ang pamahalaan ng cold storage facilities para sa sibuyas sapagkat sa unang bahagi ng 2023 ay maraming sibuyas ang aanihin sa buong bansa. “Bumper harvest” anila ang mangyayari kaya sapat na sapat ang suplay. Paghandaan umano ang maraming sibuyas. Wala na umanong magiging problema at maaaring bumaba na nang todo ang presyo ng sibuyas. Sa kasalukuyan, naglalaro sa P380 ang bawat kilo ng sibuyas. Noong nakaraang Disyembre, umabot sa P750 ang bawat kilo ng sibuyas sa maraming palengke sa Metro Manila.
Ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), ngayong Enero ay magsisimula na ang pag-aani ng sibuyas sa maraming lugar sa bansa. Dahil dito, nararapat magkaroon ng cold storage para maging imbakan ng sibuyas. Ito umano ang dapat paghandaan ng Department of Agriculture—ang pagkakaroon ng storage facilities. Ayon pa sa PCAFI, mayroon lamang 27 storage plants sa Metro Manila at dapat madagdagan pa para sa maraming aanihing sibuyas. May mga storage rin sa ilang probinsiya pero hindi kakayanin dahil sa inaasahan bumper harvest ng sibuyas.
Habang marami ang nagsasabi na magiging sagana ang ani ng sibuyas ngayong Enero, iba naman ang sinasabi ng Department of Agriculture (DA). Ayon kay DA spokesman Rex Estoperez nararapat mag-angkat ng 22,000 metric tons ng sibuyas upang mapunan ang suplay sa bansa at upang mapababa rin ang presyo nito sa merkado. Ayon kay Estoperez, nais nilang dumating agad ang aangkating sibuyas bago ang Marso. Hahatiin umano sa bawat rehiyon ang mga aangkating sibuyas.
Magkakaroon na ng sapat na sibuyas ngayong Enero at sobra-sobra pa pero iba na naman ang plano ng DA—mag-aangkat na naman. Taliwas ito sa sinabi ni President Marcos Jr. na hindi niya matanggap na nag-iimport ang bansa ng agri products. Masakit sa kalooban niya.
Nakakaiyak ang balak ng DA na mag-aangkat ng sibuyas. Wala na ba silang alam kundi ang mag-angkat nang mag-angkat?
- Latest