NAGKAUSAP na sina President Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ukol sa kalagayan ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea (WPS). At sabi ni Marcos, nangako raw si Xi na hahanapan ng solusyon ang isyu ng ating mga mangingisda para makapangisda muli sa dati nilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. Ayon kay Marcos, malinaw ang sinabi ng president ng China na sosolusyunan ang problema at naniniwala siya na tutuparin ito. Napag-usapan din daw ng dalawa ang mga posibleng gawin upang maiwasan ang mga pagkakamali at nang hindi humantong sa malaking problema.
Sa nangyaring pag-uusap nina Marcos at Xi ukol sa hinaharap ng mga mangingisda, wala pang katiyakan kung may gagawin nang solusyon ang pinuno ng China para makapangisda nang walang takot ang mga Pinoy. Matagal nang panahon na nakaranas nang pananakot ang mga mangingisda mula sa China Coast Guard. Kapag lumalapit ang mga bangkang pangisda ng mga Pinoy sa dati nilang pinangingisdaan, itinataboy sila at binobomba pa ng tubig. May pagkakataon pang hinabol ang mga mangingisdang Pinoy na ikinasira ng kanilang mga bangka.
Ang nakapanggigil pa, ang lugar na pinangingisdaan ng mga Pinoy ay sakop sa exclusive economic zone na pinagpasyahan ng arbitrary ruling noong 2016. Sariling teritoryo ng Pilipinas ang pinagkukunan ng isda subalit kailangan pa ngayong makipag-usap sa China ukol dito. Parang lumalabas na humihingi ng permiso sa sariling pangisdaan para lamang makapanghuli. Ang ginagawa ng China na pag-angkin sa hindi naman nila pag-aari ay nagdulot sa pagkawala ng kabuhayan ng mga mangingisdang Pinoy.
Aabangan ngayon ang pangako ni Xi na may kaugnayan sa pangingisda. Kung sisira siya sa pangako at magpapatuloy pa rin ang pambu-bully, dito na dapat gumawa ng hakbang ang Pilipinas. Hindi na dapat palampasin. Marami naman ang naniniwala na paninindigan ni Marcos Jr. ang kanyang sinabi nang manumpa noong Hunyo 30, 2022, na hindi siya papayag na mabawasan o matapakan ang kahit kapiraso ng teritoryo ng Pilipinas. Ito ang pinanghahawakan nang maraming Pilipino sa kasalukuyan. Dapat ipaglaban ang sariling pag-aari.