PROBLEMADO si DILG Sec. Benhur Abalos sa nangyayari sa Philippine National Police (PNP) na may mga opisyal at tauhan ay nasasangkot sa drug trade. At ang isang naisip niyang paraan para malutas ang problema ay ang pagbitawin sa puwesto ang mga may ranggong colonel at general. Ito sa palagay ni Abalos ang epektibong paraan.
Isa sa nag-trigger kay Abalos para gawin ang balak ay nang makahuli ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng isang pulis mula sa drug enforcement unit ng Manila Police District noong nakaraang Oktubre ng halos 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1-bilyong piso. Nakilala ang pulis na si MSgt. Rodolfo Mayo. Nahuli siya sa Maynila habang sakay ng kanyang SUV at nasa loob nito ang shabu. Umano’y ninja cop si Mayo na itinapon sa Mindanao noong 2017 pero nakabalik sa PDEG makaraang arburin ng isang mataas na opisyal ng PNP. Kinumpirma naman ito ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin.
Sunod na nag-trigger kay Abalos ay ang pagkakahuli sa isang PDEA official at dalawang agent nito sa Taguig City noong nakaraang Disyembre. Nahuli ang tatlo sa mismong PDEA office nang isagawa ang buy-bust operation. Isang kilong shabu ang nakumpiska sa PDEA officer at agents. Hindi naman pinangalanan ang top police official na umarbor kay Mayo.
Sa panawagan ni Abalos na magbitiw ang mga heneral at colonel, unang nagsumite ng resignation si PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. at nanawagan siya sa iba pang opisyal na magbitiw na rin. Wala raw dapat ipag-alala o ikatakot ang mga opisyal lalo na kung wala namang ginagawang masama. May mga komite umano na hahawak para sa evaluation at assessment. Makabubuti raw sa PNP ang panawagang courtesy resignation para sa internal cleansing.
May mga sumunod kay Azurin at nagsumite na rin ng resignation subalit marami rin umano ang ayaw sumunod sa panawagan ni Abalos. Personal at career ang dinadahilan ng mga ayaw magbitiw. Bread and butter daw nila ang posisyon sa PNP.
Ito ang isang problema na hinaharap ni Abalos. Hindi lahat ay susunod sa kanyang panawagan na magbitiw. Ganunman, ipagpatuloy niya ang nasimulan. Gawin niya ang lahat nang paraan para maalis ang PNP sa kumunoy ng kontrobersiya sa ilegal na droga. Hindi dapat tumigil sapagkat ang drug syndicate ay hindi humihinto sa kanilang operasyon.