Malambot na sapatos ang nararapat isuot  

MALAKI ang benepisyo ng paggamit ng malambot na sapatos na gaya ng rubber shoes o walking shoes.

Narito ang ilan sa mga benepisyo:

1. Iwas sa arthritis at sakit sa buto—Sa paggamit ng rubber shoes, mapro-protektahan ang iyong mga buto, mula sa balakang, likod, tuhod, sakong at talampakan. Kapag tayo ay nakatsinelas o gumamit ng matigas na sapatos, mapu-puwersa ang ating mga buto at litid. Matigas ang sementong nilalakaran natin at napupunta ang pressure o diin nito sa ating mga buto. Dahil dito, madali tayong magkakaroon ng arthritis at sakit sa tuhod, paa at iba pa.

2. Para makapag-ehersisyo nang maayos—Dahil mas komportable ang rubber shoes, mas makapaglalakad tayo nang malayo. Ang paglalakad ay napakagandang eher­sisyo para sa katawan.

3. Iwas aksidente—Mas hindi madadapa o maaaksidente kung tayo ay naka-rubber shoes. Mas malakas ang kapit nito sa lupa at hindi madudulas. Kaya pinapayo ko sa lahat ng tao, lalo na sa mga lampas 40 years old, na magsuot palagi ng rubber shoes. Mayroon ding mga walking­ shoes na makapal ang suelas. Puwede na rin ito.

4. Piliin ang sapatos na tama ang sukat para sa iyong paa. Magsuot din ng medyas para maprotektahan ang iyong balat sa paa. Sa kabilang banda, hindi maganda sa katawan ang paggamit ng high heels o ‘yung mataas ang takong. Sasakit ang iyong likod dahil hindi tama ang iyong balanse.

5. Kapag luma na ang iyong rubber shoes ay dapat na itong palitan. Huwag hintayin na mabutas ang rubber shoes bago ito palitan. Pagkaraan ng isang taon ay baka napudpod na ang suwelas ng rubber shoes at nabawasan na ang proteksiyon nito sa iyong buto. Bumili ng rubber shoes.

***

Tamang ehersisyo para hindi mapilay (sprain)

Ang sprain o pilay ay nangyayari kapag ang iyong litid ay nawala sa porma o napunit. Ang pilay ay kadalasang nangyayari sa iyong bukong-bukong, tuhod at paa. Masaki ito at mabilis na namamaga. Sa pangkalahatan, kung mas matindi ang sakit, ibig sabihin ito ay sobrang napinsala.

Para maiwasan ang pilay:

1. Mag-warm up para lumuwag at mabanat ang muscles bago magsimula ng ehersisiyo. Unti-unting dagdagan ang antas ng gawain sa loob ng 5 hanggang 10 minuto. Kung ikaw ay madaling magkaroon ng pananakit ng kalamnan, mag-apply ng mainit bago mag-ehersisyo.

2. Umpisahan ng paunti-unti—Kung nais sumubok ng bagong sport, dagdagan ang antas ng sport ng dahan-dahan sa loob ng ilang linggo.

3. Iwasan ang mga sport na maaaring makapinsala. Huwag sobrahan ang gawain.

4. Magpalamig o cool down pagkatapos ng ehersisyo.

5. Gumawa ng mga cross-training—Maaaring subukan ang iba’t ibang gawain sa parehong workout na pagpalit-palitin ang gawain simula sa unang araw hanggang sa susunod.

6. Itigil agad ang gawain kung nakararanas ng pananakit ng dibdib, hindi normal na tibok ng puso, pagkahilo o pamumutla, hirap sa paghinga, sobrang pagod, sobrang pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan at pamamaga ng kasu-kasuan.

Show comments