‘Zero death’ sa pagsalubong sa 2023

Magandang balita ang bumungad sa atin sa pagpapalit ng taon.

Sa ulat ng Quezon City Police District, “zero death” ang ating siyudad sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Idineklara rin ng QCPD na “generally peaceful” ang pagsalubong ng QCitizens sa 2023.

Naitala ang 26 na firecracker-related injuries sa tatlong ospital na pinatatakbo ng lungsod at isang biktima ng ligaw na bala sa Barangay Payatas. Maayos na ang kalagayan ng biktima matapos isugod sa Rosario Maclang Bautista General Hospital. Sa buong NR, umabot naman sa 125 ang biktima ng paputok.

Ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Bagong Taon ay bunga ng ating inilabas na Executive Order No. 54, S-2022, batay na rin sa rekomendasyon ng mga kaukulang tanggapan ng ating siyudad, na i-regulate ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng paputok.

Sa kautusan ding ito, pinayagan natin ang fireworks display sa mga lugar na aprubado ng lokal na pamahalaan.

Dinagsa ng QCitizens ang ating fireworks display sa Quezon Memorial Circle habang nagsagawa rin ng sariling pailaw ang mga mall gaya ng Eastwood, SM at Robinsons.

Hindi natin makakamit ang tagumpay na ito kung hindi sa sama-samang pagkilos ng QCPD at iba’t ibang tanggapan sa ating siyudad para maisakatuparan ang ikinasa nilang “Operation Ligtas Paputok” para maipatupad ang ating kautusan.

Nagpapasalamat ako sa ating law and order cluster, sa pangunguna ng QCPD at Department of Public Order and Safety (DPOS), sa kanilang pagbabantay at mahigpit na pagpapatupad ng kaayusan sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Congratulations din sa ating mga barangay official sa epektibo nilang pagmo-monitor sa kanilang mga nasasakupan para masigurong nasunod ang Executive Order No. 54, S-2022.

Higit sa lahat, maraming salamat sa ating QCitizens sa inyong tulong at kooperasyon para maging ligtas ang ating pagsalubong sa 2023.

Ngayong 2023, inaasahan ko ang katulad na kooperasyon para sa ating mga nakalinyang programa’t proyekto para sa lalo pang pag-unlad ng ating lungsod at sa pagganda ng buhay ng QCitizens.

Show comments