1 kuwento, 2 pananaw

Umupo sa eskritoryo ang sikat na nobelista at nagsimulang magsulat:

“Nu’ng lumipas na taon na-operahan ako para alisin ang bato sa apdo. Matagal ako naratay. Nu’n din taon ‘yon nag-edad-60 ako at niretiro sa trabaho. Napilitan umalis sa kumpanya at talikuran ang trabahong minahal nang 35 taon. ‘Yon pa ring taon iniwan ako ng aking ina at namatay. Tapos, lumagpak ang anak ko sa board exam dahil na-aksidente sa kotse. Rurok ng kamalasan ng nakaraang taon ang gastos sa pagpaayos ng sira.”

Winakasan niya ang sinulat: “napakasamang taon!”

Pumasok sa silid ang misis. Napansin ang lungkot ng nobelista. Binasa ng asawa ang sulat-kamay, at tahimik na lumabas. Makalipas ang 15 minuto bumalik ang maybahay at iniabot ang sariling sinulat:

“Nu’ng lumipas na taon napatanggal na sa wakas ng mister ko ang matagal nang nagpapakirot ng tiyan niya. Nu’n din taon ‘yon nagpapasalamat ako na nakapagretiro siya nang malusog at matiwasay ang katawan at isip. Sa tulong ng Diyos nabigyan siya ng pagkakataong mag­hanap-buhay nang 35 taon at itaguyod ang pamilya. Nga­yon mas magugugol niya ang panahon sa pagkatha, na hilig niya. ‘Yon pa ring taon, mapayapang sumalangit­ ang aking 95 anyos na biyenan. Tapos, iniligtas ng Diyos­ ang aming anak sa kapahamakan sa aksidente ng kotse. Wasak ang sasakyan, pero walang malagim na pinsala sa anak.

Wakas niya: “Puno ng biyaya ng Diyos ang taon. Pinag­pala kami!”

Napangiti ang mister. Napaluha sa galak. Nagpasa­lamat siya sa bagong pananaw sa mga kaganapan. Lumi­gaya siya.

Alisin ang negatibo sa buhay. Nakakagalak ang pasasalamat.

Ika nga ni Abraham Lincoln: “Maari tayo umangal na matinik ang palumpon ng rosas, o magbunyi na may rosas sa matinik na palumpon.”

(Salin mula sa orihinal na Ingles, kumakalat online, hindi alam ang may-akda.)

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments