Sa wakas, nagpakita na rin nang kamay na asero si President Ferdinand Marcos Jr. laban sa electronic cockfighting o e-sabong. Matagal na naging tahimik si Marcos sa patuloy na operasyon ng e-sabong sa kabila na sinuspende ito noong Mayo ng nakaraang administrasyon. Marami nang nagawang pagbabago si Marcos subalit wala siyang nababanggit sa e-sabong kahit pa nga may kaugnayan dito ang pagkawala ng 34 na sabungeros na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan. May mga pulis nang kinasuhan sa pagdukot ng isang sabungero sa San Pablo City, Laguna.
Inilabas ni Marcos ang Executive Order No. 9 na sugal na nagpapatuloy sa suspension ng e-sabong. Sinuspende ni dating President Rodrigo Duterte ang e-sabong noong nakaraang Mayo 2022 dahil sinisira nito ang values ng mga Pilipino.
Sakop ng kautusan ni Marcos ang suspensyon sa live streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockfighting arenas na pinagdarausan ng sabong. Bawal din ang online/remote, o off-cockpit wagering/betting sa live cockfighting matches.
Inatasan ni Marcos ang PAGCOR na makipag-coordinate sa local government units at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa pagpapatupad ng EO No. 9. Binigyan niya ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang kautusan at dakpin ang mga lalabag.
Sa wakas matutuldukan na ang e-sabong na itinuturing na salot sa lipunan ngayon. Dahil sa sugal na ito, marami ang natutong gumawa ng masama. Mayroong ina na ibinenta ang kanyang sanggol para lamang may maitaya sa e-sabong. Mayroong pulis na hinoldap ang isang hardware store para mabayaran ang malaking pagkakautang sa e-sabong. Mayroong OFW na umuwing butas ang bulsa dahil naubos ang separation pay sa pagtaya sa e-sabong.
Maraming kabataan ang nahuhumaling sa sugal na ito. Madali lang tumaya sapagkat cell phone lamang ang gamit. Napakadaling maglaro at madali ring matalo.
Salot ang sugal na ito. Sa isang iglap, simot ang pinaghirapang kitain. Hindi na makabawi hanggang lubog na sa utang. Ang pagkasira ng pamilya ang kinahahantungan ng lahat.
Ngayong tinuldukan na ni Marcos ang e-sabong, ang mahusay at maigting na pagpapatupad na lamang ng PNP ang kailangan para lubusang mawala ang sugal na ito. Hindi na dapat manaig ang kasamaang dulot ng e-sabong.