Ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon

LUBHANG nakaaalarma ang datos ng Department of Health (DOH) na umakyat ng 47 porsiyento ang bilang ng mga kaso ng naputukan at mga pinsalang dulot ng paputok, pailaw at mga kuwitis noong nakaraang taon kumpara sa kabuuang bilang noong 2000.

Kaya naman pagkatapos nating timbanging maigi ang sitwasyon kasama ang mga kaukulang ahensiya ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon, minabuti nating mag­higpit sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng paputok.

Sa inilabas nating Executive Order No. 54, S-2022, bawal sa mga bahay-bahay na gumamit ng paputok o mag­­sagawa ng sariling fireworks display.

Sa halip, puwede lang gumamit ng paputok at magsa­gawa ng fireworks display sa mga pampublikong lugar na aprubado ng pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng Department of Public Order and Safety (DPOS).

Kabilang sa mga paputok na puwedeng gamitin sa fire­works display ang baby rocket, bawang, maliit na triyang­­gulo, Paper Caps, El Diablo, Watusi, at Sinturon ni Hudas. Maaari ring gamitin ang kuwitis, lusis, fountain, jumbo re­gular at special, Mabuhay, Roman Candle, Whistle Bomb, Airwolf, Butterfly at mga katulad na uri ng pailaw.

Gaya ng dati, magsasagawa ang Quezon Memorial Circle at ilang piling mall gaya ng Eastwood, Robinsons at SM ng sariling fireworks display para sa ating QCitizens.

Pagdating naman sa pagbebenta ng paputok at pyrotechnic devices, maaari lang itong gawin sa loob ng mga mall at kailangan ng permit mula sa DPOS at Business Permits and Licensing Department (BPLD), alinsunod sa  Ordinance No. SP-2618, S-2017.

Bawal din ang pagbebenta at pamimigay ng paputok sa mga menor-de-edad, batay sa Ordinance No. SP-2587, S-2017.

Hindi rin papayagan ang pagbebenta, paggawa at pama­mahagi ng mga mapanganib na paputok at pyrotechnic devices na maaring ikamatay o ikapinsala ng publiko. Ka­sama rito ang atomic big trianggulo, super lolo at iba pang mga katulad na paputok na ipinagbabawal ng Philippine National Police. Bawal din ang mga paputok na naglalaman ng mahigit 0.2 gramo o 1/3 kutsarita ng pulbura, mga paputok na maikli ang mitsa o posibleng sumabog ng hindi bababa sa tatlong segundo ngunit hindi higit sa anim na segundo.

May parusang multa at pagkabilanggo ang paglabag sa mga nasabing ordinansa.

Inatasan ko ang Barangay and Community Relations Department (BCRD) na ipabatid sa lahat ng 142 barangay ng lungsod ang nasabing kautusan.

Dapat ding magpaabot ng tulong ang ating mga barangay official sa mga awtoridad at iparating sa kanila ang anumang paglabag.

Mandato ko naman sa Quezon City Police District (QCPD) na mahigpit na ipatupad ang mga panuntunang ito at iba pang mga batas ukol sa paggamit ng paputok.

Bilang panghuli, nananawagan ako sa ating QCitizens na makiisa at tulungan ang kampanya nating ito para sa mas ligtas at maayos na pagsalubong sa Bagong Taon.

Show comments