Paniwala ng high school teachers namin nu’ng dekada ’70 na ang mga estudyanteng tumutugtog ng musika ay mahusay sa Math. Dalawang dosena kaming freshmen sa Advanced Algebra. Du’n napansin ni Mister Aunario na karamihan sa amin ay miyembro ng school rondalla (ni Grade 6 Math teacher Mr. Segundo), marching band o may combo.
Nag-beginner’s piano ako dahil inobliga kaming magkakapatid at magpipinsan ni Lola Rosita. Mula du’n, madali akong natutong maggitara. At sa high school, puwera yabang, malimit akong maka-100% sa Algebra, Geometry at Trigonometry exams.
May relasyon nga ba ang musical instrument sa number skills? Anang mga eksperto, kailangan ng time signatures, beats per minute at formulaic progressions sa pagtugtog. Nahahasa nito ang bahagi ng utak na kailangan sa Math. May saliksik na nabubuo ang mga kumplikadong Math problems ng mga batang tumutugtog. May kuwento na kapag hindi malutas ni Albert Einstein ang mahirap na Physics equation, tumitipa muna siya ng piano o violin. Habang minumuni-muni ang math issue (sa kaliwang bahagi ng utak) at tumutugtog (kanang bahagi), napag-uugnay niya ang konsentrasyon sa solusyon.
Siyanga pala, hindi totoong lagpak si Einstein sa high school Math. Brilyong estudyante siya sa Germany, at nag-Physics PhD sa University of Zurich. Sa parties sa Princeton University-New Jersey, 1943, kuwento ni kapwa propesor Bohuslav Martin? na mahusay siya sa musika. Bina-violin niya ang Mozart sonatas ka-duet si pianist Robert Casadesus.
Sinukat ni biochemist Isaac Asimov ang pagitan ng bawat nota ng octave, at pinasya sa librong Realm of Numbers na de-numero ang musika. May sukat, beat at cadence. Anina Harvard Pediatrics prof Nadine Gaab at Jennifer Zuk, PhD, dapat maintindihan ng nag-aaral ng musika ang fractions at ratio, na kailangan din sa cognition. Pero dapat pag-aralan ang buong buhay ng mga musikero-mathematicians para makita ang ugnayan ng dalawa, anang Economist.
Maari rin may kinalaman ang estado sa buhay at impluwensiya ng matanda. Kung maykaya ang pamilya, maibibili ng instrument ang bata. Kung giyahan ng magulang sa music at Math, tiyak tatalas ang anak. Ang napansin ko sa campus noon, mas lapitin ng chicks ang mga cats na tumutugtog.