Mga pagkaing pampapayat at pag-inom ng maligamgam na tubig
Alam ba ninyo na mayroong mga pagkaing makatutulong sa pagpapapayat? Narito ang mga pagkaing iyon pero huwag ding sosobra ang kakainin.
1. Gulay at ensalada—Ayon sa isang pagsusuri na ipinalabas sa Journal of the American Dietetic Association, ang mga taong kumain ng ensalada ay may mas mataas na lebel ng anti-oxidants sa kanilang katawan. Mataas sa fiber ang gulay, kaya ito nakabubusog sa kaunting calories lamang. Suka lang ang gamiting sawsawan at huwag na ang mayonnaise sauce o Thousand Island dressing.
2. Suha at grapefruit—Ayon sa mga dalubhasa ng Louisiana State University, ang pagkain ng grapefruit 3 beses sa maghapon ay nakapapayat ng 4 pounds sa loob ng tatlong buwan. Ang suha natin ay kapamilya ng grapefruit sa America. Ayon sa mga researchers, ang acid ng grapefruit ang tumutulong sa pagpapabagal ng digestion, kaya tayo ay mas nabubusog.
3. Mansanas—May kasabihan na “An apple a day keeps the doctor away.” Ayon sa scientists ng Penn State, ang mga taong kumakain muna ng isang mansanas bago mag-tanghalian ay nakakabawas ng 187 calories sa kanilang makakain. Mabilis makabusog ang mansanas dahil ito ay may pectin, isang klase ng fiber na nakabababa ng cholesterol at asukal sa dugo. Tandaan: Para hindi maparami ang iyong kakainin, magmansanas o magsuha muna.
4. Peras—Napag-alaman sa isang pag-aaral sa Brazil na ang mga taong kumakain ng tatlong peras o mansanas bawat araw ay mas mababa ang timbang kumpara sa hindi kumakain nito. Sa katunayan, ayon sa U.S. Food and Drug Association, mas maraming fiber ang peras kumpara sa mansanas, kaya mas busog ka dito.
5. Itlog—Ang itlog ay masustansya at magandang kainin sa almusal. Sinabi ng Journal of the American College of Nutrition na ang mga taong kumakain ng itlog sa almusal ay mas nabubusog. Kahit alam nating may kolesterol ang pula ng itlog, puwede pa ring kumain ng isang itlog sa maghapon. Iyan ang payo ng American Heart Association.
6. Saging—Sa Japan, nauso ang “Banana-diet” kung saan maraming tao ang pumayat sa pagsunod nito. Sa katunayan, may isang Pilipinong exercise instructor ang pumayat ng 50 pounds sa pagkain lamang ng saging. Maraming benepisyo ang saging. May sangkap ito na makatutulong sa taong may ulcer (dahil sa flavonoids), nag-e-ehersisyo (dahil sa potassium) at nalulungkot (dahil sa tryptophan). Ugaliing kamain ng isa o dalawang saging bawat araw. Ito ang gawin ninyong meryenda.
***
Uminom ng maligamgam na tubig
Mga benepisyo ang pag-inom ng maligamgam na tubig.
1. Magandang panunaw—Ang mainit na tubig ay sinasabing madaling paraan upang mapabuti ang kalusugan. Kapag ang isang tao ay hindi umiinom ng sapat na tubig, ang maliit na bituka ay sumisipsip ng mas maraming tubig sa na-konsumong pagkain at ininom. Ito ang dahilan para maging dehydrated at mahirapan dumumi. Ang sobrang dehydration ay maaaring mag-resulta ng malalang constipation o pagtitibi at magresulta ng iba pang problema.
2. Para maging regular ang pagdumi—Kung kumpleto sa dami ng tubig na iniinom, mas madali at magiging regular ang pagdumi dahil mas magiging malambot ito at madali ito para mailabas.
3. Magandang sirkulasyon—Ang maligamgam na tubig ay maaaring makapagpa-buka ng blood vessel para dumaloy ng mas maayos ang dugo at sustansya sa ating katawan.
4. Nakakabawas ng stress—Ang isang tasang maligamgam na tubig ay nakatutulong para mabawasan ang stress at anxiety.
5. Magkaroon ng mas maayos na tulog—Ayon sa research, ang pag-inom ng isang tasang maligamgam na tubig ay nakatutulong para marelax ang katawan at maka-tulog. Maiiwasan din ang magising sa madaling araw, para maging malakas sa susunod pang mga araw.
6. Mabuti sa tiyan—Ang maligamgam na tubig ay nakatutulong sa maayos na pagtunaw ng ating kinain. Para makapasok ang sustansya sa ating katawan.
- Latest