Wala akong tutol sa anumang planong operasyon ng pamahalaan para labanan ang problema sa bawal na droga. Ang bawal na droga ay isang social cancer na kung hindi masusugpo ay magiging dahilan ng pagbagsak ng isang bansa.
Isipin na lang na kung halos lahat ng Pilipino, pati ilang nanunungkulan sa pamahalaan ay malulong sa droga, pihong babagsak ang ating bansa. Siguradong magiging “narco state” tayo na ang gobyerno ay pinatatakbo ng salaping mula sa kinikita ng ilegal na gamot.
Noong panahon ni President Duterte, inilunsad ang Oplan Tokhang. Ang “tokhang” sa salitang Bisaya ay kakatok sa bahay upang tawagang pansin ang arestuhin mga hinihinalang drug pusher o user.
Ngunit hindi lamang pala pagkatok ang nangyari noon kundi pagkitil sa buhay ng mga pinagsususpetsahang pushers at users na sinasabing “nanlaban”. Kaya nga iminungkahi noon ang pagsusuot ng body camera ng mga police operatives kapag nanghuhuli ng mga suspects para malaman kung sadyang sila ay nanlalaban.
Kaya nga ang salitang “tokhang” bagaman at Bisaya ay nalakip na sa bokabularyong Pilipino na ang kahulugan ay “iligpit” o i-salvage.
Nagkaron ito ng pangit na kahulugan dahil naging katumbas ng walang habas na pagpatay sa mga drug suspects. Ang masama pa ay pawang mga mahihirap ang nabibiktima.
Malaki ang partisipasyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa rito dahil siya ang hepe ng Philippine National Police noon. Ngayon, sinasabi niyang “ibalik ang Oplan Tokhang.” Maaari namang ipagpatuloy ang operasyon laban sa droga nang hindi ginagamit ang salitang “tokhang” na nakakakilabot sa pandinig ng mamamayan.
Tama ang argument laban sa “tokhang”. Pawang mahihirap na tao lang ang nabibiktima at hindi ang malalaking drug lords. At kung makulong man ang drug lords na ito, buhay-hari naman sila sa loob ng pambansang piitan na may sariling mga komportableng kubol.