Itong House Bill 6608 na tinatawag na Maharlika Investment Fund ang sinasabing pinakamabilis sa lahat nang panukalang batas na inaprubahan ng mga miyembro ng House of Representatives. Mahigit dalawang linggo lang mula nang ipanukala noong Disyembre 2. Ngayon ay aprubado na makaraang sertipikahang urgent ni President Ferdinand Marcos Jr. Pagbalik ni Marcos mula sa Belgium, pasado na makaraang pagbotohan ng mga mambabatas. Anim na mambabatas lamang ang tumutol sa Maharlika samantalang 279 ang pumabor.
Nang unang pumutok ang Maharlika, maraming mambabatas ang nagpahayag nang pagtutol dito at nagsabing hindi ito magiging batas, subalit sa araw ng botohan, marami na “bumaliktad” at nagpahayag ng pagsang-ayon. Maski si Banko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla ay nagbago na rin ng tono ukol sa Maharlika at sinabing makaaakit ito ng foreign investment pero nagpaalala naman siya na dapat itong mabantayan at magkaroon ng kaukulang safeguards.
Kung sa House of Representatives ay madaling naipasa ang Maharlika, posibleng madali rin itong makalulusot sa Senado. Dalawang senador lang ang nakikitang tutol sa Maharlika at ang iba ay nagpahayag na ng pagsang-ayon dito. Pero sabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, titiyakin niya na daraan sa butas ng karayom ang Maharlika dahil bubusisiin ito nang todo. Hindi aniya ito basta-basta makakalusot. Isa umano sa kanilang bubusisiin sa Maharlika ay saan kukuha ng pondo lalo pa’t binawi na ng mga kongresista ang unang plano na kukunin sa SSS at GSIS ang pondo.
Masyadong minadali ang Maharlika para maipasa. Sa pagmamadali ay hindi maipaliwanag nang malinaw kung saan mag-i-invest. Anong mga negosyo ang paglalagakan ng pondo at gaano kasiguro na magtatagumpay. Paano kung malugi? Hindi dapat minadali ang Maharlika. Sa pagmamadali ang kadalasang bunga ay ang mga pagkakamali.