NAKADEPENDE pa rin ang Pilipinas sa pag-import ng bigas. Hindi na natapos ang pagbili ng bigas ng bansang malawak ang taniman ng palay. Patuloy pa rin na ang inihahaing kanin sa hapag-kainan ay imported na bigas? Kailan kaya makakakain ng kanin na mula sa palay na itinanim sa sariling linang? Kailan kaya sasagana ang bigas na prodyus ng mga lokal na magsasaka para hindi na bumili ng bigas sa ibang bansa?
Ipinahayag ng Federation of Free Farmers (FFF) na posibleng umangkat ng tatlong milyong metriko tonelada ng bigas ang Pilipinas sa susunod na taon. Ayon sa FFF, posibleng magkulang ang bigas sa bansa sa third quarter ng 2023. Ang mahinang produksiyon at ang mataas na pangangailangan sa pagkain ang dahilan kaya mag-aangkat ang Pilipinas ng tatlong milyong metriko tonelada.
Sabi ni FFF chairman Leonardo Montemayor, 321,000 tonelada lamang ng bigas ang maaaring maprodyus bago matapos ang 2022 at hindi ito sasapat kaya kailangang mag-angkat. Lumalaki rin umano ang populasyon kaya malaki ang pangangailangan sa pagkain.
Hinulaan naman ng United States Department of Agriculture (USDA), na 3.5 milyong metriko tonelada ng bigas ang iimportahin ng Pilipinas sa susunod na taon. Ito anila ay mas mataas sa dating inangkat na 3.3 milyong metriko tonelada. Ang kakulangan ng bigas ay nag-ugat sa pananalasa ng bagyo sa mga nakaraang buwan.
Magpapatuloy ang pag-angkat ng bigas at hindi pa mangyayari ang sinabi ni President Marcos Jr. noong Hunyo na masakit sa kalooban niya ang pag-import nito. Ayon sa kanya, parang hindi niya matanggap na bumibili ng bigas ang Pilipinas. Kasabay nito, pinangako nga niya na magiging P20 per kilo ng bigas. Paano maibababa sa P20 ang kilo kung patuloy ang importasyon. Mangyayari lamang ito kung makapagpoprodyus nang maraming bigas ang bansa. Hangga’t umaangkat, hindi maibababa ang bigas.
Isa pang problemang kahaharapin sa pag-angkat ng bigas ay ang pamamayagpag ng smugglers ng agri products. Dahil kulang ang suplay ng bigas, dadagsa ang mga puslit na bigas. Walang katapusang pag-import at wala ring katapusan ang pag-smuggle ng bigas.