SERTIPIKADO na ni Presidente Bongbong Marcos ang Maharlika Wealth Fund bill bilang urgent. Masyadong overwhelming ang paglusot ng panukala sa Kamara de Representante.
Ang bumoto ng pabor dito ay 279 Kongresista at ang tumutol ay aanim lang. Daraan pa ito sa Senado na doo’y marami sa mga kababayan nating tutol dito ang umaasang sasagkaan ito nang maraming senador upang huwag maisabatas.
Pero tila malabo itong mangyari. Halos nakikini-kinita na natin na sa huli ay magiging batas din ito sa kabila ng pagtutol nang maraming mamamayan. Ang mga kongresista ay kumakatawan sa mga mamamayan sa kanilang nasasakupang distrito.
Kinunsulta ba ng mga kongresista ang mga constituents nila kung payag sila sa bill? Kung nagkaroon ng public consultation, malamang ito ay tututulan nang maraming mamamayan.
Tinutulan noon ng taumbayan ang paggamit sa retirement fund ng mga pensiyonado ng GSIS at SSS bilang seed capital na ipupuhunan sa mga pagawaing bayan at iba pang investment sa loob man o labas ng bansa.
Bilang isang retiree o empleyadong naghuhulog ng kontribusyon, mangangamba ka na baka malugi ang investment. Sa dakong huli ay ang mga mamamayan ang iiyak. Kaya inalis ng mga proponents ng panukala ang probisyong ito.
Ngunit saan man kunin ang pondo, pera pa rin ng taumbayan ang nakataya. Wala tayong surplus revenue at trilyon-trilyong halaga ang utang natin. Kung malulugi ang investment, paano pa makatutugon ang pamahalaan sa pagbabayad ng utang?