EDITORYAL - Bantayan mga trigger happy

Tuwing Pasko at Bagong Taon maraming tinatamaan ng ligaw na bala at karamihan sa kanila ay mga bata. Kahit na may mahigpit na paalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko at maging sa mga miyembro ng PNP, marami pa rin ang lumalabag. Sa gitna ng kasiyahan at kalasingan, may iresponsableng gun owner na nagpapaputok ng baril. At ang resulta ay kamatayan. Ang kasiyahan sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ay napalitan ng lungkot.
Sabi ni PNP chief General Rodolfo Azurin Jr. sa isang interbyu noong Martes, hindi na raw lalagyan ng tape o takip ang bunganga ng mga baril ng pulis. Pinagtitiwalaan daw niya ang mga pulis na hindi lalabag sa kautusan na huwag magpaputok ng baril habang nagkakasiyahan sa Pasko at Bagong Taon. Ayon pa kay Azurin, disiplinado na ang mga pulis. Ilang taon na rin umanong hindi nilalagyan ng takip o tape ang mga baril ng pulis.
Harinawang disiplinado na nga ang mga pulis at ganundin sana ang iba pang nagmamay-ari ng baril. Hindi na sana maulit ang mga madudugong pangyayari na habang nagseselebreyt ng pagsapit ng Bagong Taon ay may bumubulagta dahil tinamaan na ng ligaw na bala sa ulo.
Gaya ng nangyari kay Stephanie Nicole Ella, 7-anyos na tinamaan ng bala noong Enero 1, 2013 habang nanonood ng fireworks malapit sa kanilang bahay sa Caloocan City. Masayang nanonood si Stephanie Nicole, kasama ang kanyang mga pinsan ng mga sinindihang pailaw nang biglang bumagsak ang bata. Dumudugo ang ulo. Dinala sa ospital pero makalipas ang isang araw namatay ito. Hindi na nahuli hanggang ngayon ang nagpaputok ng baril.
Ganito rin ang nangyari sa 15-anyos na si Emilyn Villanueva Calano ng Malabon noong Enero 2017. Nanonood din si Emilyn ng fireworks sa kanilang lugar nang tamaan ng ligaw na bala sa ulo. Apat na araw na-coma si Emily at saka namatay. Hindi rin naaresto ang nagpaputok ng baril.
Noong Enero 2021, isang 12-anyos na batang babae sa Lanao del Norte ang namatay makaraang tamaan ng bala sa ulo habang nagseselebreyt ng New Year. Hindi rin naaresto ang nagpaputok ng baril.
Noong Disyembre 23, 2020, nagmemeryenda si Fely Joy Paras ng Bantay, Ilocos Sur sa kusina ng kanyang bahay nang may maramdaman siya sa kanyang ulo. Nang kapain niya at tingnan ang daliri, may dugo roon. Tinamaan na pala siya ng bala.
Maging mapagmatyag habang nagseselebra ng Bagong Taon. Bantayan ang mga “trigger happy”. Kumilos ang PNP para madaling matukoy ang mga “makakati ang daliri” sa pagpapaputok ng baril—kahit pa kanilang kabaro.
- Latest