Noong panahon ni President Ferdinand E. Marcos, naging Minister of Human Settlement ang kanyang First Lady, Imelda Romualdez Marcos at ang kanyang programang pabahay para sa mahirap ay puspusang isinulong. Naging pilot area ang lugar na malapit sa bundok ng basurahan na kung tawagin ay Smokey Mountain sa Balut, Tondo Manila.
Ang mga residente roon na pawang mga informal settlers ay nagtamo ng pribilehiyo ng manirahan sa mga disenteng high rise condo. Ngunit kung daraan ka ngayon sa naturang lugar, madisdismaya ka dahil ang mga dating magagandang low cost housing ay masahol pa sa mga gutay-gutay na barung-barong.
Nagsalimbayan ang mga kawad ng kuryente na nahalo na sa mga sampayan ng mga nilabhang damit. Hindi ito napanatiling maayos ang kalagayan ng mga benepisyaryo, lalo na nang matanggal sa kapangyarihan si Marcos noong 1986 at pinalitan sa panguluhan ni Corazon C. Aquino.
Magandang balita na binubuhay ngayon ni Pres. Bongbong Marcos ang programang pabahay sa mahihirap na pamilya. Puspusan ang galaw ng National Housing Authority (NHA) at sa loob lamang ng anim na buwang panunungkulan ni Marcos Jr. mayroon nang mga pinasisimulang high rise at medium rise housing para tugunan ang backlog sa pabahay para sa mga mararalita nating kababayan.
Hindi lang pabahay sa mga maralita ang ibibigay sa napakamurang halaga kundi pagkakataong makapaghanapbuhay dahil maglalagay ng mga paaralan, palengke at iba pang amenities na kailangan ng taumbayan.
Sana lang, ilakip sa programang ito ang pagtuturo sa mga benepisyaryo na panatilihin ang kagandahan ng kanilang bagong tahanan. Wika nga, matuto sa leksiyon ng nakaraan.