Pati kuryente kakapusin

Dapat mag-drill agad ng langis at gas sa Recto Bank. Mauubos na ang Malampaya gas field sa 2024. Sa Recto­ lang may pamalit – tatlong ulit ang dami. Limang taon aabutin­ ang drilling at testing bago maging ganap na ope­rational ang Recto.

Galing sa Malampaya ang 40% ng kuryente sa Luzon. Kung maupos ito nang walang pamalit mula Recto, malimit at mahabang blackouts ang sasapitin. Magsasara ang mga pabrika, opisina ng gobyerno, ospital, eskwela at malls. Wala ring online classes at transactions dahil walang kuryente sa bahay. Kolapso ang ekonomiya.

Nagpaloko ang nakaraang admin sa China. Apat na taon nakipag-negotiate ng “joint development” ng Recto. Huli na nang mabatid ng Malacañang na labag ito sa Konstitusyon, at pa­simpleng inaagaw lang ng China ang langis at gas. Nasayang ang panahon. Ngayon kailangan magkumahog ng Pilipinas.

Pulpol din ang nakaraang pamunuan ng Dept. of Energy. Hindi naghikayat ng pagtatayo ng bagong power plants. Mayorya ng coal-fired power plants sa Luzon ay mahigit 30 taon na, kaya kakarag-karag. Limang taon nagpatumpik-tumpik ang dating DOE bago mag-isyu ng lisensya sa bagong planta. Kinapos tuloy ng panahon.

Minana ng Marcos Jr. admin ang problema. Nu’ng Set­yembre pitong planta ang sabay-sabay nasiraan. Nagka­taon na apat pang iba ay naka-maintenance shutdown. Nag-yellow at red alerts tuloy ang National Grid Corp. of the Philippines dahil sa kakapusan ng kuryente.

Sinisikap ng gobyerno na palaguin ang negosyo. Kahit anong negosyo ay kailangan ng kuryente. Kung kapos ang kur­yente, magmamahal ito. Lalo na ngayon na pitong beses ang iminahal ng coal nitong 2021-2022. Tapos, wala pang pamalit na gas.

Humanda: kapos na nga sa pagkain, power blackout pa.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments