EDITORYAL - Smugglers ng gulay, kailan puputulan ng sungay?
Patuloy ang smuggling ng gulay sa bansa at tila wala nang magawa ang Bureau of Customs (BOC) kung paano puputulan ng sungay ang mga smugglers. Masyado nang malalakas ang loob ng smugglers. Sa nangyayaring ito, walang ibang kawawa kundi ang mga lokal na magsasaka ng gulay. Inagawan sila ng ikinabubuhay at nanganganib na tuluyang mawala kung hindi mahihinto ang agri smuggling. Natatalo rin ang gobyerno dahil walang nakokolektang buwis sa mga smuggled agri products.
Noong Biyernes ng gabi, nakakumpiska ang mga awtoridad ng 1,000 sako ng puting sibuyas na nagkakahalaga ng P1.7 milyon sa isang bodega sa Sto. Cristo, Tondo, Manila. Walang maipakitang papeles ang may-ari ng bodega ukol sa saku-sakong sibuyas kaya matibay ang paniwala na smuggled ito mula sa China.
Patuloy din ang pagpasok ng smuggled carrots, bawang at iba pang gulay at pinaniniwalaang lulubha pa ngayong kapaskuhan. Hindi lamang gulay ang ipinapasok kundi maging karne ng baboy.
Pinaninindigan naman ng BOC na maigting ang kanilang kampanya laban sa mga smugglers ng agri products. Noong nakaraang buwan, sinampahan na umano nila ng kaso ang 33 traders na sangkot sa smuggling. Ayon sa BOC, ang 33 ang responsible sa smuggling ng gulay noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng P350 milyon. Kinasuhan umano ang 33 nang paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act sa pamamagitan ng Deparment of Justice (DOJ). Ayon sa BOC, ang mga nakumpiskang kontrabando sa 33 traders ay may total dutiable value na P251.61 milyon. Malaki umano ang nawawala sa pamahalaan dahil sa mga smuggler ng gulay at iba pa.
Mariing sinabi ni BOC Commissioner Yogi Felimon Ruiz na patuloy ang kampanya nila laban sa smuggling sa pamamagitan ng profiling at pag-iinspeksiyon sa shipments at mga bodega. Sinabi ng commissioner na hindi sila titigil hangga’t hindi napaparusahan ang 33 traders na sangkot sa smuggling ng gulay.
Kung talagang seryoso ang BOC sa pagsupil sa smugglers ng gulay, pangalanan ang 33 traders. Ihayag sa publiko ang pangalan ng smugglers ng agri products.
Putulan ng sungay at pangil ang mga smugglers ng gulay. Dahil sa kanila kaya maraming magsasaka ng gulay sa bansa ang naghihikahos sa kasalukuyan. Hahayaan bang mamatay sa guom ang mga lokal na magsasaka habang namamayagpag ang mga smugglers sa walang tigil na pagpupuslit ng gulay.
- Latest