EDITORYAL - ‘Maharloko’

Nakalubog ngayon ang bansa sa hanggang leeg na utang (P13.52 trilyon) at maaring umabot pa hanggang ulo kung magpapatuloy ang pag-utang sa hinaharap. Su­balit ang kalagayang ito ay hindi ikinababahala ng mga mambabatas at ang iniisip pa ay ang pagtatatag ng tinatawag na sovereign wealth fund na tatawaging Maharlika. Nakapagtataka na wala namang ipinangangahas na pagkukunan nang siguradong pondo ang binabalak na Maharlika wealth fund pero ang lakas ng loob ng mga mambabatas.

Ayon sa ipinapanukalang batas, ang ­Ma­harlika wealth fund ay itatatag sa pamamagitan nang pinagsama-samang pondo na kukunin sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), LandBank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP). Malinaw na perang kontribusyon ng mga miyemnbro ng SSS at GSIS ang gagamitin sa Maharlika wealth fund ganundin ang sa LBP at DBP.

Paano kung hindi magtagumpay ang Maharlika wealth fund? Paano kung nalugi? Paano ang perang inaasahan ng mahihirap na pensioners? Paano kung matuyo ang dalawang pension fund dahil ginamit na sa Maharlika. Hindi naman makatwiran na pakialaman ang pera ng mga miyembro na matagal nilang pinag-ipunan.

Posible ring maging ugat ng korapsiyon ang panukalang wealth fund. Ano ang nangyari sa Malaysia kung saan bumagsak ang 1Malaysia Development Berhad (1MDB) dahil kinurakot ang pondo.

Hindi dapat gamitin ang pera ng mga miyembro para isapalaran sa iba pang negosyo. Maghanap ng ibang paraan na hindi pakikialaman ang pera ng taumbayan. Huwag maging matayog ang imahinasyon sa isyung ito subalit hindi naman pinag-aaralan ang kahihinatnan. Nakakatakot pumasok sa ganitong wealth fund na ang mamamayan ang magdurusa sa dakong huli.

Show comments