Saan patungo ang Maharlika?

Muling nanunumbalik ang usaping Maharlika hindi bilang pamalit sa pangalan ng Pilipinas na unang pinanukala ni dating President Ferdinand Marcos kundi sa pamamagitan ng sovereign wealth fund (SWF) na sinusulong naman ngayon ng House of Representatives kasama ang anak ni PBBM.

Agad namang sinalubong ang panukala ng sari-saring reaksiyon, puna at batikos. Pati si Sen. Imee Marcos na kapatid ni PBBM ay tutol sa Maharlika.

Ayon sa Infrawatch, magiging matagumpay lamang ang SWF kung ang pagkukunan ng pondo ay mula sa natural ng yaman gaya ng langis, natural gas at pagmimina. Napatunayan ito sa Norway, Russia at Middle East.

Ngunit wala tayong langis. Ni hindi pa nga ma-exploit ng bansa ang natural gas sa pinaglalabanang West Philippine Sea.

Ayon pa sa Infrawatch, posible ang SWF kung may sobrang pondo ang pamahalaan, nakadepositong dolyar, at iba pang financial instruments gaya ng sa Singapore at Hong Kong. Ngunit, wala tayong surplus na pondo at mas malaki ang naibabayad natin sa inaangkat na produkto kaysa nailuluwas ng bansa.

Nakakatakot na asahang mula sa SSS, GSIS at mga banko ng pamahalaan kukunin ang pondo ng SWF. Nakalaan ang pension funds at deposito dito sa kapakanan ng mga benepisyaryo.

Hindi maaring gayahin ng Pilipinas ang Qatar na kahit hindi mabawi agad ang bilyun-bilyong ginastos sa pagdaraos ng World Cup, mayaman naman ito sa langis.

Kung sakaling maitayo ang SWF bilang Maharlika Fund,  tiyaking mailayo ang istruktura nito sa Tanggapan ng Pangulo upang hindi magamit sa pamumulitika at sa kalauna’y pag-uugatan ng korapsyon.

* * *

Para sa suhestiyon:  art.dumlao@gmail.com

Show comments