Maling diskarte
ANG kasong ito ay tungkol sa reconstitution o muling pagbuo sa titulong (OCT 28907) sumasakop sa lote bilang 527 na di-umano ay nasira. Ang lupang sangkot ay ilang parsela na nasa pagmamay-ari ni Protacio.
Nang mamatay si Protacio ay naging mana ng kanyang limang anak na sina Dante, Victor, Alice, Celia at Lina ang mga lupa. Nang namatay na din ang magkakapatid ay ang mga anak nila naman ang naging tagapagmana, kasama na rito si Ernesto na anak ni Dante.
Habang nabubuhay pa si Ernesto ay itinuring niya na siya ang may-ari sa lote bilang 527. Nagsampa siya ng petisyon sa korte ng probinsiya para muling magkaroon ng titulo sa kanyang pangalan.
Pinagbigyan ito ng korte at ipinag-utos na muling magkaroon ng orihinal na titulo sa lupa pagkatapos ay kanselahin ito at magkaroon ng panibagong titulo sa pangalan ni Ernesto. Alinsunod sa desisyon ay nagkaroon ng titulo bilang 2345 sa pangalan ni Ernesto.
Lumipas ang 24 na taon at patay na si Ernesto ay inangkin ng kanyang mga tagapagmana ang lote bilang 527. Kontra dito ang mga kapatid ni Ernesto pati mga kaanak ni Protacio na nagsampa ng reklamo sa RTC. Pinagbigyan sila ng RTC at ipinag-utos na ipawalang-bisa ang titulo bilang 2345 tuloy ibalik ang orihinal na OCT 28907.
Umapela ang mga kaanak ni Ernesto sa Court of Appeals at ang katwiran ay hindi na puwedeng kuwestiyunin ng RTC ang legalidad ng titulo 2345 sa pamamagitan lang ng asuntong isinampa. Ayon naman sa CA, kahit hindi tama ang pagkakaroon ng titulo ni Ernesto ay hindi pa rin puwedeng ipawalang-bisa ito maliban at may pormal na desisyon sa pagpapawalang bisa ng titulo sa CA o kaya ay ang tinatawag na reconveyance sa RTC. Tama kaya ang CA?
Tama, ayon sa Supreme Court. Ang tamang solusyon ay ang pagsasampa ng kaso ng reconveyance ng mga kaanak ni Protacio at hindi ang pagpapawalang-bisa ng desisyon sa reconstitution ng OCT 28907. Ang decree o desisyon sa titulo ay dapat respetuhin at hindi basta puwedeng isantabi. Ang habol dito sa kaso ay mahabol ang lupa na napunta sa iba sa maling paraan at maibalik sa totoong may-ari. Kaya hindi nagkamali ang CA nang ibasura ang petisyon ng mga tagapagmana para sa pagpapawalang-bisa sa titulo (Heirs of Procopio Borras etc., vs. Heirs of Eustaqio Borras etc., G.R. No. 213888, April 25, 2022).
- Latest