NAGDUSA ang China nang isang siglo sa kamay ng mga imperyalista. Karapatan nito bumangon mula sa “pambansang pagpapahiya” at ibalik ang dangal. Pero sa ganu’ng hangarin wala itong karapatan yurakan ang soberenya ng iba. Huwag mambusabos ang biktima ng pambu-bully.
Dalawampu’t siyam ang kapit-bansa ng China, kabilang ang mga inagaw na Tibet, Inner Mongolia, Xinjiang at Yennan. Maliban lang sa Russia, North Korea, Laos at Pakistan, lahat niyuyurakan niya.
Ugat ng kapalaluhan ng China ngayon ang pekeng kasaysayan. Kesyo kanila raw mula sinauna ang apat na sapilitang ginawang probinsiya. Pati Okinawa at Taiwan ay binabantang isali sa People’s Republic of China. Inaangkin ang East at South China Seas. Kabilang sa SCS, malayo sa pampang ng China, ang Paracel at Spratly archipelagos.
Inimbento ng makabayang Chinese intellectuals ang pekeng kasaysayan. Pakay nu’n paalsahin ang masa laban sa imperyalista. Pinalaganap ‘yon ng Kuomintang at ng kalabang Komunista. Ngayon niyayabang ng Komunista na sila ang nagbabalik ng dangal ng China. Paraan nila ‘yon para panatilihin ang diktadurya sa 1.4 bilyong tao.
Sa pag-angat ng China nilalabag nito ang batas ng mundo:
• Kontra sa 1982 U.N. Convention on the Law of the Sea ang pag-angkin sa SCS. Binabalewala ng China ang 200-mile exclusive economic zones ng Pilipinas, Vietnam, Thailand, Malaysia, Brunei at Indonesia.
• Kontra sa 1997 U.N. Watercourse Convention ang pagsakal ng China sa Mekong River gamit ang 13 dams. Nawawalan ng tubig inumin at pangsaka ang Cambodia, Myanmar, Vietnam at Thailand.
• Kontra sa 1958 U.N. Convention on Fishing and Conservation of the Living Resources of the High Seas ang labis na pangingisda ng China sa gilid ng inaalagaang EEZs ng Palau, Ecuador at West Africa. Pati bawal na pating, pawikan, dolphin, taklobo at fan corals ay nilalambat.
• Kontra sa 1975 Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora ang pag-import ng China ng pangolin, unggoy, musang, pagong, taklobo, atbp para kainin. Pinagmumulan ito ng sakit. Dalawang SARS-CoV epidemic na ang ikinalat ng China sa mundo.