Nakakakilos na rin sila
Hindi ko malimutan ang babala ng sumundo sa amin sa Singapore ilang taon na ang nakalilipas. Ayon sa kanya, “Remember, low crime does not mean no crime.” Kilala ang Singapore na may isa sa pinakamababang bilang ng krimen sa mundo. Numero uno ay Switzerland. Kung gusto ninyo malaman kung anong numero ang Pilipinas, numero 55 ito sa buong mundo. Daig tayo ng maraming bansa sa Timog Silangang Asya. Ito ay ayon sa U.S. News 2022.
Nabanggit ko ito dahil sa babala ng PNP sa lahat ng tao, partikular ngayong magpapasko. Kung mas nakakakilos na tayo ngayon, nakakakilos na rin ang mga kriminal. Magandang payo na hindi dapat hindi pansinin o isantabi. Napakamahal ng bilihin ngayon. Kaya ang bawat pinaghirapang sahod o kinita ay hindi dapat mapunta lamang sa mga masasamang-loob.
Umiwas mag-withdraw ng pera sa mga liblib at madilim na ATM. Mas mabuti kung may kasama habang kumukuha ng pera sa ATM. Kung hindi online o GCash natatanggap ang sahod, huwag dalhin kaagad pauwi at kadalasan ito ang target ng mga magnanakaw. Unti-untiin na lang. Ang nagiging target ng mga magnanakaw ay ang mga sa tingin nila hindi lalaban o papalag, karamihan mga babae. Kaya dapat laging may kasama. Mas marami, mas mabuti.
Huwag masanay nag-iiwan ng kung anu-ano sa mga kapihan, kainan, o tindahan. Mabibilis kumilos ang magnanakaw. Saglit kang hindi nakatingin ay sapat na para sa kanila. At paalala muli, huwag gumamit ng mga madadaling password tulad ng kaarawan. Kapag nakuha ang ATM mo, baka malimas ang laman. At laging alam kung saan ang pitaka o lagayan ng pera. Iwasan ang nakabukas na bag. Mga pitaka ilagay sa harapang bulsa kung saan mas mahirap madukutan.
Malayo pa tayo sa mga tulad ng Singapore sa mga tuntunin ng kaligtasan. Sa tingin ko nasa tao at kultura na rin. Banggitin ko na marami pa ring mahirap sa bansa. Ito ang mga kadahilanan lung bakit mataas ang bilang ng krimen. Kaya ang bawat isa ay dapat maging mapagbantay laban sa krimen. Kailangang kabalikat natin ang mga tapat na kapulisan laban sa krimen. Para hindi naman masira ang kapaskuhan ng bawat isa.
- Latest