PARANG sardinas ang mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) na pinamamahalaan ng Bureau of Correction (BuCor). Sa pagsisiksikan, may oras ang pagtulog ng bawat inmates. Hindi puwedeng magsabay dahil hindi magkakasya sa selda. Ayon pa sa report, mayroong natutulog na patayo. Basta mairaos ang antok, kahit anong posisyon, puwede. Hindi puwedeng mamili ang bilanggo.
Masyadong siksikan sa NBP. At hindi naman sana ito nangyari kung may plano at may isip ang mga nangangasiwa sa BuCor. Alam naman nila na ang kapasidad lamang ng NBP ay para sa 6,435 bilanggo pero sa kasalukuyan, mayroon itong 29,204 bilanggo. Bilibid or not pero ganito karami ang bilanggo sa NBP na masahol pa sa sardinas. Pinagkasya kaya naman marami ring problema sa loob. Sa pagdami ng bilanggo, marami rin ang nagsusulputang problema at ang iba ay hindi lamang ordinaryong problema—matinding problema sapagkat malagim ang nangyayari sa loob. Dahil din sa rami ng bilanggo, hindi na nalalaman ng BuCor ( o nagkukunwari lang) ang mga ginagawa ng inmates na sangkot sa pagpatay at nagpapasok ng illegal drugs at iba pa. Mismong sa loob pinaplano kung may itutumba.
Ang masyadong siksikan sa NBP ang nagtulak kay BuCor acting director Gregorio Catapang Jr. para magplano na magtayo ng national prisons sa 17 rehiyon sa bansa. Kung maisasakatuparan ang mga bilangguan sa bawat rehiyon, mababawasan o baka wala na halos bilanggo sa NBP. Ito para kay Catapang ang pinakamagandang solusyon sa pagsisiksikan ng mga bilanggo sa NBP.
Maganda ang planong ito ni Catapang. Dapat suportahan ito. Kung magkakaroon ng katuparan, dapat lang na masubaybayan pa rin at baka may mga korap na pinuno o guard sa mga bilangguan. Sa NBP naging praktis na ng mga prison guard na kuwartahan ang mga bilanggo. Ang mga korap na guard din ang nagpapasok ng kontrabando—alak, drugs at kahit mga babae. Maganda ang plano ni Catapang pero subaybayan.