Kung nais pa nating maging matatag ang ating National Health Insurance Program, kailangan iwasan nating maging delinkuwente sa pagbabayad ng ating kontribusyon. Sa ganitong paraaan, hindi lamang sarili natin ang natutulungan kundi pati na yaong mga kapus-palad na mamamayang walang kinikita.
Ang operasyon ng PhilHealth ay nakasandal sa prinsipiyo ng “social solidarity” upang patuloy na makapaglingkod sa taumbayan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng medical care benefits, higit lalu sa mga mahihirap na mamamayan. Dapat nating unawain ang kahulugan ng social solidarity.
Sa kahulugang pamilyar at nauunawaan na natin, ito ay ang tinatawag na “Bayanihan.” Bawat mamamayan ay nagkakaisa at nagtutulungan sa pagtataguyod ng mithiing makapagbigay ng medical service sa bawat Pilipino. Ito ay sa pamamagitan ng ating mga kontribusyon.
May mga sektor na hindi na pinagbabayad ng kontribusyon at tayong mga may kakayahan pang magtrabaho o may sapat na income, ay kasama ng gobyerno na tumutulong sa nabanggit na sektor.
Ang sektor na tinutukoy ko ay yung mga talagang nagdarahop at hindi makapaghanapbuhay dahil sa kapansanan at mga senior citizens. Kaya ipinaiiral natin dito ang diwa ng bayanihan o pagtutulungan na bahagi ng ating kulturang tunay na maipagmamalaki natin.
Layunin kasi ng Republic Act 7875 na tiyakin na ang bawat Pilipino, mayaman man o pinakamaralita ay mabigyan ng de-kalikad na serbisyong medikal sa pamamagitan ng social health insurance.
Lalo pang pinalakas ang mandatong ito ng batas Universal Health Care o UHC na sumasakop sa lahat ng 110 milyong Pilipino. Ang mga serbisyong nabanggit ko ay maisusulong lamang sa pamamagitan ng kontribusyon ng mga kasapi at mula sa subsidiya ng pambansang pamahalaan.