Kaso ito tungkol sa bisa ng “toka” o ang pag-uusap sa paghahati ng lupa laban sa kasulatan ng bentahan sa lupa. Ang isyu ay kung alin ang dapat masunod sa usapang toka o ang kasunod na kasulatan ng bentahan?
Ang mga lupang pinag-uusapan ay ilang parsela sa iba’t ibang bahagi ng Timog Luzon na nakarehistro sa pangalan nila Mario at Minda at hinati sa pamamagitan ng toka sa kanilang mga anak habang sila ay nabubuhay pa. Ang iba ay nasalin na sa pangalan ng mga anak at ang iba ay hindi pa. Ang isa sa mga ari-ariang sangkot ay isang 2,696 metro kuwadradong lupa sa Laguna na ang kalahati ay ibinigay kay Romy at sa misis nitong si Betty (mag-asawang Abelardo) at ang kalahati pa ay napunta naman sa kapatid ni Romy na si Fely at mister nitong si Pedro Serrano (mag-asawang Serrano). Nang matanggap ang parte nila ay agad nagpatayo ng bahay si Romy.
Namatay si Romy may siyam na taon pagkatapos mamatay ng mga magulang nito. Nadiskubre ni Betty na ang parte ng mister ay napunta kina Fely at mister nitong si Pedro sa pamamagitan ng isang kasulatan ng bentahan na ginawa pagkatapos ng toka. Ang mga pirma ng magulang nito ay sa kasulatan ng bentahan pati na sa salaysay ay peke kung ikukumpara sa ibang mga dokumentong napirmahan nila. Isa pa, nakasangla ang lupa sa isang kompanya, ang TRC at naremata na.
Pero binasura ng RTC ang reklamo sa toka. Kulang daw o hindi raw sinunod sa toka ang mga pormalidad na kailangan para sa donasyon. Ang kasulatan daw ng bentahan sa pagitan nina Fely at Romy ay tama. Nang umapela ay binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon. May bisa daw ang toka pabor kay Romy at sa 1/2 na parte nito. Magagamit lang daw ng TRC ang kasulatan ng sangla sa kalahating bahagi na parte nina Fely at Pedro. Tama ba ang CA?
TAMA, ayon sa Supreme Court. Base sa mga rekord, habang nabubuhay sina Mario at Minda na mga magulang ni Romy ay ibinigay o itinoka kay Romy ang kalahati ng 2,696 metro kuwadradong lupa. At nang matanggap ni Romy ang parte niyang lupa ay agad nagpatayo ng bahay ang lalaki kaya hindi na puwedeng itanggi ni Fely at mga anak niya na talagang sa kaanak nila iyon. At dahil hindi totoo na si Fely at pamilya nito ang may-ari sa buong 2,696 metro kuwadradong lupa ay wala silang karapatan na isangla ito sa TRC. Mas mananaig ang toka kaysa sa sumunod na kasulatan ng bentahan (Technology Resource Center vs. Heirs of Alvarez, etc. G.R. 214419, August 3, 2022).