^

PSN Opinyon

Sila lang ba?

K KA LANG - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Nahatulan na ang pulis na humuli, nag-torture at pumatay kay Carl Angelo Arnaiz noong 2017. Panahon ng madugong kampanya ni dating President Duterte sa iligal na droga naganap ang krimen. Si PO1 Jefrey Perez ay nahatulang may sala para sa krimen ng torture at pagtanim ng ebidensiya at pagpatay kay Arnaiz, habang nahatulan din siya ng krimen ng torture kay Reynaldo “Kulot” De Guzman. Ang katawan ni De Guzman ay natagpuan sa Gapan, Nueva Ecija pagkalipas ng isang buwan na may 25 saksak sa katawan.

Habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa pulis. Inutusan din siya ng korte na bayaran ng tig-P1 milyon ang mga kapamilya ni Arnaiz at De Guzman. Ang kasamang pulis ni Perez na si PO1 Ricky Arquilita ay mahahatulan din sana pero namatay siya bago nailabas ang desisyon.

Ayon sa Public Attorneys Office na siyang naging abogado ng mga pamilya nila Arnaiz at De Guzman, nahirapan sila sa kaso dahil tila ayaw ng PNP na maki­pagtulungan sa kanila. Tandaan na naganap ito noong kasagsagan ng Oplan Tokhang kung saan halos lahat ng napatay ng PNP kaugnay sa iligal na droga ay “nanlaban”.

Bukod sa kaso nila Perez at Arquilita, may kaso rin laban sa tatlong pulis Caloocan na pumatay kay Kian Delos Santos. Sila ang nahatulang may sala para sa pagpatay kay Delos Santos pero nakalusot sila sa pagtanim ng ebidensiya. Ganun pa man, apatnapung taong kulong ang inabot nila. Sa tingin ko dapat panghabangbuhay na kulong ang parusa nila.

Pero naniniwala ba kayo na iyang dalawang kaso ng paghuli, pagtanim ng ebidensiya at pagpatay lamang ang naganap noong Oplan Tokhang at kung ano pang Oplan noong panahon ni Duterte? Libo-libo ang napatay noong panahong iyon. May testigo at CCTV kasi ang dalawang kaso kaya sila nahuli at nasentensiyahan.

Pero sigurado ako na maraming kaso pa ang katulad nito pero walang nakuhang CCTV o may mga testigo na ayaw lang lumabas dahil sa takot. Ganito nga ang imahe ng PNP noong panahong iyon. Mas matatkot ka sa kanila imbis na maging ligtas ang pakiramdam.

At ano naman ang dahilan kung bakit kinailangang patayin silang tatlo? Hindi naman sila banta sa lipunan pati sa mga pulis. Napatunayan ito na gawa-gawa lamang ang salaysay ng mga pulis. Nais lang ba nila malagay sa balita na nakapatay sila ng mga sangkot sa iligal na droga, tulad ng ibang pulis na nakapatay din ng mga “nanlaban”?

Nais ba nilang magpalakas o magpakitang-gilas kay Duterte? May tagong pabuya ba para sa bawat mapatay noong Oplan Tokhang? Wala kasi akong makitang dahilan kaya kailangang itanong ang mga ito. Nasiwalat nga sa dalwang kaso na nagaganap ang walang dahilang paghuli, pag-torture, pagtanim ng ebidensiya at pagpatay sa inosente. Magpasalamat tayo at nahatulan ang mga masasamang pulis na ito. Pero sila lang ba ang ganyan?

ILLEGAL DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with