EDITORYAL - Marami pa rin ang walang toilet
KARANIWAN na lamang sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng cell phone at iba pang gadgets. Halos lahat makikitang may hawak na cell phone mahirap man o mayaman. Kahit ang mga nasa pinakamahihirap na lugar, may makikitang cell phone ang naninirahan. Pinakamahalagang gamit ngayon ang cell phone.
Pero sa kabila nang pagkakaroon ng cell phone nang maraming Pinoy, marami pa rin pala ang walang toilet sa kanilang bahay. Kung alin ang pinakamahalaga sa bawat bahay ay ‘yun ang hindi pinagsikapang adhikain o gawin. Mas inuna pang bilhin ang cell phone kaysa magpagawa ng sariling toilet sa bahay.
Sa report ng United Nations Children’s Fund (Unicef), 6.3 milyong bahay sa Pilipinas ang walang toilet at patuloy na dumurumi sa kung saan-saan lang. Karaniwang dumurumi sa ilalim ng puno, sagingan at maski sa tabing sapa at ilog. Ang pagdumi sa kung saan-saan lalo na sa lugar na pinagkukunan ng iniinom na tubig ang nagiging dahilan ng pagkakasakit gaya ng diarrhea, pagkakaroon ng bulate at dahilan nang pagiging malnourished ng mga bata.
Ayon sa Unicef 2021 Field Health Services Information System Report, ang probinsiya ng Iloilo ang nangunguna sa sinasabing Zero Open Defecation (ZOD) na ang ibig sabihin ay hindi nagpapraktis nang pagdumi sa kung saan-saan lang. Mayroong malinis na toilet ang mga taga-Iloilo sa kani-kanilang tahanan. Nakita rin ang pagsisikap ng Iloilo na mabigyan nang malinis na toilet ang mga estudyante sa bawat pampublikong paaralan. Sa pagdiriwang ng World Toilet Day, nangako ang mga namumuno sa Iloilo na lalo pang paiigtingin ang commitment sa pagbibigay nang malinis na toilet sa mamamayan.
Mahalaga ang pagkakaroon ng toilet sa bawat bahay. Maiiwasan ang pagkalat ng mga sakit. Ito sana ang maging prayoridad ng mamamayan. Unahin muna ang may kinalaman sa kalusugan. Magkaroon din naman ng kampanya ang pamahalaan para magkaroon ng toilet ang mga mahihirap na mamamayan.
Isulong ito para sa malinis at malusog na pamumuhay. Huwag nang bumalik sa dating praktis na dumurumi sa kung saan-saan.
- Latest