EDITORYAL - Mapanganib na gawaan ng paputok

MAY sumabog na namang ilegal na pagawaan ng paputok noong Biyernes at malagim ang nangyari sapagkat limang tao ang namatay. Nangyari ang pagsabog sa Calamba, Laguna. Habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon, dumarami ang kaso ng pagsabog ng mga pagawaan ng paputok na karaniwang nasa mga residential areas. Mahigpit na pinagbabawal ang paggawa ng paputok at kailangang may business permit at nararapat na malayo sa kabahayan. Subalit ngayon ay hindi na ito nasusunod at marami ang gumagawa ng paputok sa loob ng subdibisyon. Nakapagtatakang hindi namomonitor ng barangay ang mga nagsusulputang pagawaan ng paputok. Malalaman na lamang ng mga barangay officials na may sumabog at may mga namatay sa kanilang lugar. Nakaligtas sa kanila ang pagpasok ng mga gumagawa ng paputok.

Gaya nang nangyari sa isang subdibisyon sa Bgy. Majada, Calamba, Laguna kung saan sumabog ang gawaan ng paputok at lima ang namatay, kabilang ang 83-anyos na lola na umano’y trabahador doon. Sa tindi ng pagkasunog, hindi na makilala ang bangkay ng mga biktima. Hindi na sila nakalabas dahil sa laki ng apoy. Limang bahay ang nadamay sa pagsabog.

Ayon sa mga kapitbahay, hindi nila alam na may pagawaan ng paputok sa bahay na pinagmulan ng pagsabog. Pagkatapos ng pagsabog, sumiklab ang apoy at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay.

Kung ang mga kapitbahay ay nagulat sa pagkakaroon ng ilegal na gawaan ng paputok, mas lalo ang mga barangay officials na lubhang nagtaka kung paano nakapasok ang mga gamit sa paggawa ng paputok. Hindi talaga malalaman ng barangay officials sapagkat hindi naman sila nagmamatyag  sa kanilang nasasakupan. Ngayong panahon na marami ang nagsusulputang ilegal na gawain, nararapat na maging mapagbantay ang mga opisyal ng barangay upang hindi makapasok ang mga may masamang balak.

Noong Nobyembre 3, may naganap ding pagsabog sa isang gawaan ng paputok sa Santa Maria, Bulacan na ikinasugat nang malubha ng 10 tao. May nagtamo ng second degree burns.

Tiyak na marami pang pagsabog mula sa firecrackers factory ang magaganap kaya nararapat nang maging mapagbantay ang mga awtoridad particular ang barangay officials. Magkaroon ng pagroronda sa mga subdibisyon upang masiguro na walang makapapasok para magtayo ng ilegal na gawaan ng paputok. Hindi na dapat maulit ang mga pagsabog dahil sa paggawa ng paputok.

Show comments