Hanggang ngayon, patuloy ang smuggling ng agricultural products sa bansa na kinabibilangan ng asukal, bigas, sibuyas, bawang, carrots at maaaring pati karne ng baboy at manok ay nakalusot na rin. Inaasahan na lalo pang magiging mabagsik ang smugglers ng mga gulay habang papalapit ang Pasko. Sa panahong ito buhay na buhay ang negosyo sa Pilipinas kaya maraming nagpupuslit ng kontrabando kakutsaba ang mga korap sa Bureau of Customs (BOC). Ang “ber” months ang sinasabing pagdagsa ng mga epektos. Malaki ang natatalo sa gobyerno ng mga pinalulusot na kontrabando.
Sabi naman ng BOC, sinampahan na nila ng kaso ang 33 traders na sangkot sa smuggling ng agri products. Ayon sa BOC, ang 33 ang responsible sa smuggling ng gulay noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng P350 milyon. Kinasuhan umano ang 33 nang paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ). Ayon sa BOC, ang mga nakumpiskang kontrabando sa 33 traders ay may total dutiable value na P251.61 milyon. Malaki umano ang nawawala sa pamahalaan dahil sa mga smuggler ng gulay at iba pa.
Sabi ni BOC Commissioner Yogi Felimon Ruiz na ipagpapatuloy nila ang kampanya laban sa smuggling sa pamamagitan ng profiling at pag-iinspeksiyon sa shipments at mga bodega. Mariing sinabi ng commissioner na hindi sila titigil hangga’t hindi napaparusahan ang 33 traders na sangkot sa smuggling ng gulay.
Kung talagang seryoso ang BOC sa pagsupil sa smugglers ng gulay, pangalanan sila. Nakapagtataka kung bakit ayaw ihayag sa publiko ang pangalan ng smugglers ng agri products. Bakit kailangang itago ang 33 salot na umaagaw sa kabuhayan ng mga local na magsasaka. Dahil sa smugglers ng gulay, maraming magsasaka ng gulay ang nagutom at naghihikahos ngayon.