'Jus-Tiis' at ang mga reporma sa hudikatura
Mahalagang sumunod sa takbo ng panahon ang sistema ng ating hudikatura upang mas makapaglingkod ito sa publiko. Ito ang dahilan kung kaya’t inilunsad kamakailan ng Korte Suprema ang Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027 (SPJI). Isa sa pangunahing layunin nito ang mabilis at patas na hustisya para sa lahat.
Upang maipaliwanag sa publiko ang SPJI, aking nakapanayam ang apat na mahistrado ng Supreme Court (SC) o Korte Suprema—sina Associate Justices Ramon Paul L. Hernando, Amy C. Lazaro-Javier, Mario V. Lopez, at Maria Filomena D. Singh.
Tatlong bagay ang nais palakasin ng SPJI—efficiency, innovation, at access. Layunin ng Korte Suprema ang paghahatid ng hustisya na napapanahon at patas, bukas at may pananagutan, pantay at ingklusibo, at sumasabay sa teknolohiya.
Ayon kay Justice Singh, pangunahing tungkulin man ng hudikatura ang paghatol sa mga kaso, naninindigan din ito sa pagsasakatuparan ng reporma para makamit ang patas at mabilis na hustisya.
Upang ipakilala ang mga pagbabagong ito, mahalagang makasabay sa bagong teknolohiya, isang bagay na sinimulan mismo ng mga miyembro ng Korte Suprema nitong panahon ng pandemya.
Sabi ni Justice Singh, nitong nakaraang dalawang taon, nakapagsagawa ang ating mga hukom ng mahigit sa 778,000 pagdinig sa pamamagitan ng video conferencing. Humigit-kumulang 100,000 na PDLs o persons deprived of liberty naman ang napalaya, kabilang ang 1,200 na bata.
Isa din sa ginagawang paraan ng Korte Suprema upang mapag-ibayo ang paghahatid ng serbisyo sa tao ay ang paglalagay ng mga information sites sa internet kung saan maaaring makapagtanong ang publiko ng mga bagay na may kinalaman sa batas. Ang paggamit ng social media platforms ay lubos ding hinihikayat.
Upang gawing makabago ang mga proseso ng hukuman, plano rin Korte Supremang gumamit ng artificial intelligence para sa research at court operations. Ngunit tiniyak ni Justice Hernando na walang mawawalan ng trabaho at maaalis na mga kawani. Sa halip, bibigyan ng training ang staff para mas lumawak ang kanilang kaalaman at magkaroon sila ng bagong skills.
Layunin din ng Korte Suprema na mapabilis ang paghahatid ng hustisya, sabi ni Justice Lopez. Upang mapaiksi ang proseso ng pagresolba sa mga kaso, ang korte ay nagpapatupad ng isang tuluy-tuloy na sistema sa paglilitis. Gayundin, ang service of summons at service of subpoenas ay ginagawa na ngayon sa elektronikong pamamaraan. Ang mga Regional Trial Court ay nagpapatupad na rin ngayon ng 90-day rule habang ang Court of Appeals naman ay binibigyan ng hanggang isang taon upang lutasin ang isang kaso.
Upang matugunan naman ang agam-agam ng publiko pagdating sa mahal na gagastusin sa paglilitis, hiniling ng SC sa Integrated Bar of the Philippines na lumikha ito ng pamantayan upang malaman ng mga tao kung magkano ang dapat nilang bayaran.
Naglagay din ang SC ng mga panuntunan pagdating sa judiciary-initiated naturalization of stateless persons; paggamit ng gender-free-and-fair language; at ang pagdiriwang ng Pride Week bilang pagpapahalaga sa pagkakaiba-iba at ingklusyon.
Ang pagpapahusay ng legal na edukasyon sa pamamagitan ng Bar Reforms ay isa pang layunin ng SPJI. Kaya, ipinapatupad ng SC ang revised law curriculum, kung saan binawasan ang mga aralin ng mga estudyante, subalit mas pinalawak ang pagpipilian ng elective subjects.
Ang licensure bar exams ay ginagawa na ngayon online at magkakaroon na rin ng mga multi-site bar examination areas sa buong bansa, upang mas madali itong ma-access at mas mura din ang gagastusin ng mag-aaral para sa mga pagsusulit. Magiging mas mabilis din ang pagpoproseso ng resulta dahil gagawin na itong digital. Sa 2023 bar exams na gaganapin sa Setyembre, ang mga resulta ay ilalabas sa Nobyembre o Disyembre, at susundan kaagad ng oath-taking ng mga pumasa.
Samantala, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mahistrado, mga hukom at mga tauhan ng hukuman, nilikha ang Judiciary Marshals Office. Bukod sa pagganap sa tungkulin nito bilang security force ng hudikatura, bibigyan din ng kapangyarihan ang tanggapang ito na mag-imbestiga at sumuri ng mga pagbabanta o threats, magkaroon ng kakayahan para sa forensic analysis, at magpatupad ng mga writ o kasulatan at proseso.
Bilang pagpapahalaga sa mental health, ang mga opisyal ng hukuman at empleyado ay binibigyan ng taunang pagsusuri o annual examination, kung saan saklaw ng health insurance ang professional mental health counseling at assistance buong taon.
Upang itaguyod ang ethical responsibility, inilunsad ng SC ang Ethics Caravan para sa Proposed Code of Professional Responsibility and Accountability para sa mga magiging abogado sa hinaharap. Tungkol naman sa isyu ng “hoodlums in robes” o mga lumalabag sa code of conduct ng hudikatura, sinabi ni Justice Lazaro-Javier na handa silang gumamit ng kamay na bakal upang malinis ang kanilang hanay.
Sabi ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa kanyang talumpati na nais niyang baguhin ang pagtingin ng publiko sa sistema ng ating hudikatura at mga opisyal nito.
Tiniyak ni Chief Justice Gesmundo na ang 15 Supreme Court Justices ay naninindigan sa kalagahan ng SPJI. Ginagarantiyahan niya ang pagpapatuloy ng programa hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2026 at hanggang sa matapos din ng termino ng apat na pinakabatang miyembro ng Korte Suprema sa taong 2036.
I-click ang link na ito upang mapanood ang kabuuan ng panayam. https://youtu.be/5pCNdNnCVcU
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest