LAGI nang sinasabi ng Philippine National Police (PNP) na nagbabantay sila 24/7 para maproteksiyunan ang publiko sa lahat ng krimen. May police visibility. Mayroon daw nagpapatrulyang mga pulis sa kalye. Lagi raw nakahandang magresponde ang kapulisan sa tawag ng pangangailangan.
Kung totoong may mga pulis sa kalye na nagpapatrulya, bakit may mga nangyayaring ambush na isinasagawa ng riding-in-tandem at nagagawa pa nila sa gitna ng sikat ng araw. At ang matindi, isinasagawa pa ang pagtambang sa lugar na maraming taong nagdaraan o sa mga abalang lugar. Nagpapakita lamang ito na wala nang kinatatakutan ang mga kriminal. Ang pagpatay sa kaliwanagan ng araw ay isang paghamon sa kakayahan ng PNP. Kayang-kaya nilang gumawa ng krimen at walang nagagawa ang PNP.
Sunud-sunod ang mga nangyayaring pagpatay mula pa nang pumasok ang “ber” months. Karamihan ay kagagawan ng hired killers. Noong Oktubre 3, tinambangan ang mamamahayag na si Percy Lapid sa Las Piñas habang pauwi galing sa trabaho.
Walang nakarespondeng pulis gayung malapit lang ang police community precinct sa lugar. Mabuti at sumuko ang gunman na si Joel Escorial kung hindi nangangapa pa marahil hanggang ngayon ang pulisya.
Noong nakaraang Martes, isang negosyante rin ang tinambangan at napatay ng riding-in-tandem sa kanto ng Mindanao at North Avenues sa Quezon City. Naganap ang pagpatay dakong alas dose ng tanghali. Mabilis na nakatakas ang mga suspect. Ang lugar na pinangyarihan ng krimen ay maraming taong nagdaraan dahil nasa tapat ng isang mall. Marami ring nagdaraang sasakyan doon.
Malapit lang din doon ang police community precinct. Pero kahit malapit, wala ni isa mang pulis ang nakaresponde. Nasaan ang 24/7 na sinasabi ng PNP na nagpapatrulya o nagroronda?
Ngayong panahon ng Kapaskuhan, tiyak na magiging mabangis pa ang mga kriminal. Sana makaresponde na ang mga pulis at mapigilan ang mga kawatan at mamamatay-tao.