Editoryal – Mahiwagang hukay sa Bilibid

Bilibid or not pero may hukay sa compound ng New Bilibid Prison (NBP) na ang lalim ay katumbas ng apat na palapag na gusali. Malapit ang hukay sa tirahan ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag. Ang hukay ay karugtong ng tunnel na pinaniniwalaang ginawa pa ng mga Hapones noong World War II.

Mismong si BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. ang nagbunyag sa ginagawang hukay. Sa mga lumabas na video at retrato sa paha­yagan, makikita ang backhoe na ginamit sa pag­huhukay. Makikita rin ang tunnel kaya halatang malalim na ang hukay. Ayon kay Catapang, posibleng ang hukay ay dahil sa sinasabing “gold hunting” sa lugar. Sa interbyu naman ng Teleradyo kay dating PNP chief at ngayon ay senador Ronald “Bato” de la Rosa, narinig na umano nito na may hinahanap na Yamashita treasures sa lugar. Hindi nito sinabi kung ang paghuhukay ay may kaugnayan sa pag­hahanap ng kayamanan.

Ipinahayag naman ni dating BuCor chief Bantag­ na siya ang nag-utos sa paghuhukay sa compound ng NBP. Gagawin umanong swimming pool ang hukay. Siya raw ay lisensiyadong scuba diver. Hindi raw lagusan ang hukay paloob o palabas ng bilangguan.

Mula nang maganap ang pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa na lalong kilala bilang Percy Lapid noong Oktubre 3, marami nang lumutang na kakaibang nangyayari sa NBP. Si Bantag at si Ricardo Zulueta ang mga tinuturong “utak” sa krimen at ganundin sa pagpatay sa “middleman” na si Jun Villamor. Si Villamor ay pinatay ng mga kapwa bilanggo, ilang oras maka­raang sumuko ang killer ni Lapid na si Joel Escorial. Bago pinatay, nai-text ni Villamor sa kapatid na babae kung sino ang “utak” sa krimen. Noong Martes ay naisilbi na ang subpoena kay Bantag at Zulueta.

Marami pang nagsisingawan sa NBP na nasa ilalim ng BuCor. Halukayin pa ito. Unahin naman sana ang misteryong pagkamatay ng 167 bilanggo na itinambak sa isang punerarya. Pagkatapos ay saka halukayin ang misteryosong hukay.

Show comments