PARA makaahon sa hirap na dulot ng pandemya, nais ni Marikina City 1st District Rep. Marjorie “Maan” Teodoro na tulungan ang shoemakers at manufacturers ng leather goods sa siyudad sa pamamagitan ng pagpapaubaya ng pagbayad ng bayarin tuwing “shoe bazaars”. Itong aktibidades ay taunan kung gaganapin sa siyudad para ibenta ang mga gawang sapatos at iba pang produktong lokal ng Marikina na tinaguriang “shoe capital” ng Pinas.
Inamin ni Rep. Teodoro na nahihirapan pa ring umangat ang negosyo ng sapatos sa siyudad kaya minabuti niyang tumulong nang sa gayon ay dahan-dahang makaahon at tuluyang makabawi ang mga negosyante sa ilalim ng “new normal”.
“Yearly ito na Christmas shoe bazaar, pero gusto nga sana namin na gawing in perpetua, meaning habang buhay. Wala na talaga silang babayaran sa pwesto nila at the same time ang city na ang bahala sa gastos sa mga stalls at kung ano pa ang equipment na gagamitin habang sila ay nagtitinda ng mga sapatos,” ani Rep. Teodoro.
“Talagang gusto ng city na i-revive yung pagawa ng sapatos—mas palakasin. At ito ay isa lamang doon sa hakbang na iyon. The more na may negosyo tayo, mas maganda para sa Marikina,” ang dagdag pa niya. Eh di wow!
Opisyal nang binuksan nina Rep. Teodoro at Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang Christmas Shoe Bazaar sa Freedom Park, mismo sa tapat ng City Hall building. Sa parte naman ni Mayor Teodoro, sisikapin n’yang ma-finalize ang proposal ni Rep. Teodoro para ma-implement kaagad ito sa sunod na taon.
“Makatutulong ito dahil maipagpapatuloy nito ang mga bazaar natin ng walang dagdag na gastusin sa mga magsasapatos,” ani Mayor Teodoro. “Malaking bagay ito para sa employment dahil sa bawat sapatos na nabibili sa bazaar, may dalawa hanggang tatlong sapatero o manggagawa ang natutulungan na magkatrabaho. Hindi lang sa pagbebenta ng sapatos kundi sa pagbuo ng bagong merkado na meron tayo,” ang dagdag pa ng butihing mayor. “Buy local, go local para makatulong tayo hindi lang sa produktong meron tayo, kundi higit sa lahat para sa trabaho ng ating mga kababayan,” aniya.
Walastik! Mga kababayan, dumugin n’yo na ang mga tindang sapatos at iba pang leather products sa Show Bazaar sa Marikina. Garantisadong matibay ang mga produkto nila. Mismooooo!
Binigyang-diin ni Mayor Teodoro na kasama sa proposal ni Rep. Teodoro ay ang pagbibigay ng pondo sa mga promotional activities tulad ng training sa pagtinda sa bazaar, na bukas mula Lunes hanggang Linggo mula 9:00 a.m. – 7:00 p.m. Kasama sa plano ni Mayor Teodoro ang pagdala ng Marikina Shoe Bazaar sa iba’t ibang bahagi ng bansa para ang mga Pinoy ay makabili ng Marikina-made footwear at leather products. Eh di wow! Abangan!