NOONG Lunes, inilahad ko sa aking State of the City Address (SOCA) ang ating mga nagawa at mga plano sa hinaharap para sa QCitizens sa ating tatlong taon sa puwesto.
Naging malaking hamon ang mga nakalipas na taon para sa ating siyudad, ngunit sa sama-sama nating pagtutulungan, napagtagumpayan natin ang mga pagsubok.
Sa aking talumpati, binigyang diin ko ang kahalagahan ng “resiliency” na nagpalakas sa ating paghahatid ng serbisyo at programa para sa QCitizens. Ito rin ang naging daan upang tayo’y makabawi at makabalik sa daan tungo sa tuluyang pagbangon sa kabila ng mga hamon.
Malaki naman ang papel na ginampanan ng good governance para mapatibay natin ang resiliency sa ating mga komunidad at mga residente.
Ito rin ang nagtulak sa amin upang lalo pang palakasin ang paghahatid sa pangangailangan ng mga tao, katapatan sa serbisyo, pagdedesisyon ayon sa dikta ng mga datos, at ang inklusibong pamumuno.
Parte naman ng ating isinusulong na good governance ang pagpapalakas sa boses ng taumbayan sa pamamagitan ng Quezon City People’s Council, kung saan nasa 4,055 Civil Society Organizations (CSOs) ang ating naiparehistro na makakatulong natin sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng siyudad.
Inilapit din natin ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga residente sa pamamagitan ng QC Services Caravans sa iba’t ibang lugar. Ipinatupad din natin ang People’s Corner kung saan nabigyan ng pagkakataon ang ating QCitizens na makapaglabas ng kanilang hinaing.
Bahagi rin ng ating good governance at resiliency ang pagpapalakas sa sistema ng kalusugan at pagpapalakas ng ating mga komunidad, lalo na tuwing may kalamidad at sakuna.
Isa sa mga proyekto natin ang pagbibigay ng tamang sahod sa ating contractual medical health professionals, kabilang ang mga doktor at community health workers. Dinagdagan din natin ang bilang ng mga benepisyaryo sa ating libreng maintenance medicine program sa 50,000 katao mula sa dating 7,000.
Ipinatupad din ng QC-DRRMO ang iRISEUP Program o Intelligent, Resilient & Integrated Systems for Urban Population para mangalap ng datos mula sa early warning devices, remote sensors, data loggers at field equipment para mapaghandaan NAng husto ang anumang sitwasyon o panganib.
Bilang panghuli, nanawagan tayo sa QCitizens na suportahan ang ating pagnanais na magkaroon nang mapayapa, ligtas at maunlad na bansa.