MALAKING kabalintunaan kung nakakapag-operate ang mga sindikatong kriminal sa loob mismo ng New Bilibid Prisons (NBP). Kaya nga ikinukulong ang mga kriminal ay upang mapigilan ang mga krimen na ginagawa nila, hindi upang bigyan sila ng opisina para maituloy ang kanilang ilegal na gawain.
Noon pa man, nababalitaan na natin na sa loob mismo ng NBP ay may pabrika ng shabu at doon mismo ay nagkakaroon ng transaksyon upang ibenta ang mga drogang niluluto sa loob mismo ng piitan. Sabi nila, wala na raw ito ngayon. Ewan ko lang.
Ngunit marami pang ilegal na negosyo na ang pinakasentro ng kalakalan ay ang NBP. Kasama na riyan ang pagiging mistulang call center ng pambansang piitan para kumontak ng mga gun for hire ‘yung mga taong may mga gustong ipaligpit. Malinaw na talagang may operasyon ang mga crime syndicates sa loob.
Hindi na bagong balita ang kumpirmasyon ng Department of Justice na talagang may mga criminal activities sa loob ng NBP. Noon pang araw, mayroon nang mga privileged prisoners na binigyan ng VIP treatment. mayroon silang mga espesyal na kubol na kumpleto sa amenities at parang nanunuluyan lamang sila sa hotel.
Ibig sabihin lang nito, ang mga itinatalagang tauhan ng gobyerno para mamahala sa pambansang kulungan ay mga corrupt na nakikipagsabwatan sa mga kriminal na elemento. Wala akong makitang dahilan kung bakit dapat mamayagpag ang gawaing kriminal sa loob kung walang bendisyon ng mga nakatataas.
Hindi ito kataka-taka. Sa droga lamang ay limpak-limpak na milyones na ang kinikita kaya madaling masilaw sa halagang tatanggapin nila ang mga itinatalagang opisyal sa NBP. Ang solusyon sa problemang ito, italaga lamang lamang doon ang mga opisyal na may takot sa Diyos, katapatan at kabutihang loob na hindi kayang silawin ng kinang ng salapi.