EDITORYAL - Mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag
PAMPITO ang Pilipinas sa mga bansang pinakamapanganib para sa mga mamamahayag. Ito ay ayon sa global watchdog na nagbabantay sa mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag at karamiha’y hindi nalulutas. Ginawa ang pag-aaral noong nakaraang taon at lumabas na isa ang Pilipinas sa mga mapanganib na bansa dahil sa rami ng napatay na mamamahayag.
Ayon sa Committee to Protect Journalist (CPJ) Global Impunity Index 2022, 13 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag ngayong taon na ito ang nananatiling hindi pa nalulutas. Pinaka-latest na napatay ang mamamahayag na si Percival Mabasa lalong kilala bilang Percy Lapid. Binaril si Lapid noong Oktubre 3 sa Talon, Las Piñas habang pauwi galing sa trabaho. Sumuko na ang gunman at itinuro ang iba pang kasamahan. Kahapon pinangalanan na ang mga “utak” sa pagpatay kay Lapid.
Bago ang pagpatay kay Lapid, isa pang mamamahayag ang pinatay din na nakilalang si Renato Blanco. Hindi pa rin nalulutas ang pagpatay kay Blanco. Blanko pa ang pulisya sa motibo ng pagpatay.
Ayon pa sa CPJ, ang iba pang mga bansa na pinakamapanganib sa mga mamamahayag ay ang Somalia, Syria, Iraq, South Sudan, Afghanistan, Myanmar at Mexico.
Ang pinakakarumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 kung saan 58 ang pinatay at saka sama-samang inilibing. Nakakulong na ang mga “utak” sa tinaguriang Maguindanao massacre subalit marami pa ang nakalalaya. Hindi pa lubusang nakakamit ng mga kaanak ng 58 mamamahayag ang hustisya.
Ang pagpaslang kay Percy Lapid ang masasabing malapit nang matamo ang hustisya dahil pinangalanan na ang “utak”. Nagkakaroon na ng linaw ang mga pangyayari at lubusang mahuhubaran ang nasa likod ng krimen. Sana, lutasin din ang iba pang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag. Hindi sana malibing sa limot ang mga ginawang pagpaslang.
Marami naman ang umaasa na tutuparin ng pamahalaan ang pinangakong puproteksiyunan ang mga mamamahayag.
- Latest