EDITORYAL - Ikorek ang Bureau of Corrections
NOON pa man marami nang mali sa Bureau of Corrections (BuCor) sa pag-operate sa New Bilibid Prisons (NBP). At sa kabila na marami nang namuno sa BuCor, walang naitama sa pamamalakad sa NBP. Lalo pang sumama ang mga nangyayari kung saan, nagagawa pa ng mga inmate na makakontak sa hired killers. Bilibid or Not talaga ang nangyayari sa NBP sapagkat napakaraming kontrabando ang naipapasok droga, alak, patalim, cell phone, baril, pokpok at kung anu-ano pa.
Noon naging kontrobersiya ang paglabas-masok ng mga maimpluwensiyang bilanggo. Ilang ulit nang napabalita na may mayayamang bilanggo ang nakakalabas at nagtutungo sa pag-aari nilang kompanya sa Makati. Sinusundo at inihahatid ang bilanggo.
Marami pang maiimpluwensiyang bilanggo ang nakapagpapatayo ng magagandang selda na animo’y room ng hotel. Kumpleto ito sa gamit may malaking kama, aircon, bathtub, at marami pang gamit na hindi makikita sa bilangguan.
Mayroon ding mga bilanggo na nagtayo pa ng banda ng musika at nagkakaroon ng concert. Mayroon ding distillery sa loob kung saan may mga mamahaling alak at binibenta sa mga kapwa preso.
Ngayon ay matindi na ang nangyayari sapagkat iba’t ibang kontrabando ang naipapasok. Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng Oplan Paglilinis sa NBP sa utos ni Gregorio Catapang, bagong BuCor chief. Nakakumpiska ng mahigit 1,000 cell phones, ilang laptops at iba pang communication device. Nakakumpiska rin ng 7,500 na lata ng beer na bawat isa ay nagkakahalaga ng P1,000. Umabot sa 1,300 piraso ng deadly weapons gaya ng mga baril at kutsilyo ang nasamsam.
Maraming mali sa NBP dahil sa kapabayaan ng mga dating namuno sa BuCor. Pinakamalaking kamalian ay ang pagpatay sa kapwa bilanggo para maitago ang mga nagawang kabuktutan. Ipakita ng bagong BuCor chief na kaya niyang ituwid ang mga mali.
- Latest