EDITORYAL - Ipagbawal, pagtira sa paanan ng bundok
NOON pa nangyayari ang pagguho ng bundok at marami na ang namatay subalit walang ginagawang solusyon ang pamahalaan kung paano mailalayo sa disgrasya ang mamamayan na naninirahan sa paanan ng mga bundok. Hindi na mabilang ang mga nalibing nang buhay at hanggang ngayon ganyan pa rin ang senaryo. Lalo pang dumami ang mga naninirahan sa paanan ng bundok at mga pampang ng ilog. Walang naging plano ang mga nakaraang administrasyon kung paano maiiwasan ang trahedya sa panahon ng bagyo at baha lalo ang mga nasa delikadong lugar. Kapag nangyari na ang trahedya, saka lamang may maiisip na paraan pero hanggang doon lang walang naipatutupad hanggang sa maulit na naman ang trahedya.
Ang pinakagrabeng landslides na nangyari sa bansa ay nang gumuho ang bundok sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte noong Pebrero 2006. Nasa 1,126 katao ang namatay karamihan ay mga bata na nasa eskuwelahan nang maganap ang pagguho ng lupa dakong alas otso ng umaga. Ayon sa mga nakaligtas, nakarinig sila ng tila atungal ng hayop mula sa bundok at sa isang iglap, rumagasa ang mga malalaking bato at putik. Nabiyak ang bundok dahil sa walang tigil na pag-ulan. Naipon ang tubig sa bundok. Ang pagkakalbo ng bundok ang dahilan kaya nagkaroon ng landslides. Wala nang makapitan na mga ugat ng kahoy ang lupa kaya mabilis na naguho.
Halos ganito rin ang nangyari sa isang bundok sa Maguindanao del Norte makaraan bayuhin ng Bagyong Paeng noong nakaraang linggo na ikinamatay nang mahigiti 60 katao. Rumagasa rin ang putik at bato sa bundok at inilibing nang buhay ang mga taong nasa kani-kanilang mga bahay. Tinatayang 100 bahay ang natabunan ng putik at bato.
Nang mag-inspeksiyon si President Bongbong Marcos sa pinsala ng bagyo sa Maguindanao del Norte, napansin niya ang kalbong bundok. Wala nang mga punongkahoy. Ayon sa presidente ang kawalan ng puno ang dahilan ng landslide. Kaya ipinag-utos niya sa DENR ang pagtatanim ng puno sa mga bundok.
Nararapat lang ang pagtatanim ng puno. Isagawa ito habang may panahon pa. Habang hinihintay ang paglaki ng mga puno, ipag-utos din na huwag nang tumira sa paanan ng bundok ang mga tao. Magkaroon na ng aral sa mga nakaraan.
- Latest