MALAKING vindication kay yumaong ex-Chief Justice Renato Corona ang pagbasura ng Sandiganbayan sa forfeiture case laban sa kanyang umano’y P134 milyong kayamanan at ari-arian. Sayang at patay na siya. Hindi na niya inabutan ang kanyang panalo sa ipinapalagay ng marami na political persecution laban sa kanya ng administrasyon ni Noynoy Aquino.
Sa decision na isinulat ni Associate Justice Malabaguio, ang sinasabing dambuhalang bank deposit ni Corona pati na ang mga kinukuwestyong ari-arian niya ay “hindi napatunayang ninakaw”. Maging ang kanyang deklarasyon ng statement of assets and liabilities (SALN) ay nasa ayos.
Noong administrasyon ni Noynoy, nagtagumpay ang impeachment kay Corona na ang rason ay ang kanyang malaking kayamanan na sinasabing ill-gotten. May mga naniniwala noon na ang pagkaka-impeach at pagpapatalsik kay Corona ay dahilan sa desisyon ng Korte Suprema na kanyang pinamumunuan noon na pumabor sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita na pag-aari ng mga Cojuangco.
Ayon sa opinion ng marami nating kababayan, may mga mambabatas na sinuhulan ng administrasyon nang malaking pondo mula sa PDAF para bumoto sa pagpapatalsik kay Corona.
Ganyan talaga sa maruming pulitika na umiiral pa rin sa bansa. Ang nasa kapangyarihan ay puwedeng ipagdiinang nagkasala ang mga kumakalaban dito. Sa palagay ko at nang marami pa nating kababayan, ganyan din ang nangyari kay Senador Leila de Lima na nakakulong pa rin at nililitis sa kaso ng droga mula pa sa maagang bahagi ng Duterte administration hanggang ngayong si Bongbong Marcos na ang nakaupong presidente.