Malaking pinsala ang nilikha ng bagyong Paeng sa buong bansa. Mula Mindanao hanggang Hilagang Luzon, maraming sinirang bahay, kalsada, tulay at buhay. Sa pinakahuling tala umabot na sa mahigit 100 ang namatay. Pinakamarami sa Maguindanao del Norte na mahigit 50 ang namatay makaraang gumuho ang bundok at nalibing nang buhay ang mga taong nakatira sa paanan.
Marami ang nasa evacuation centers hanggang sa kasalukuyan. Karamihan ay wala nang uuwiang bahay sapagkat nawasak at natabunan ng lupa. Sabi ng mga nakaligtas, hindi na sila babalik sa lugar. Nagkaroon na sila ng takot na tumira sa gilid ng bundok.
Pinakamalaking problema na kinakaharap ngayon ay ang paglaganap ng sakit na nakukuha sa baha. Marami pang bayan ang lubog sa baha at pinangangambahan ang pagdami ng kaso ng leptospirosis at dengue. Ang leptospirosis ay sakit na nakukuha hindi lamang sa kontaminadong ihi ng daga kundi sa iba pang hayop. Dahil sa rami ng daga mapalungsod man o mapanayon, nasa panganib ang mamamayan. Kapag nalubog sa baha ang bahagi ng katawan na may sugat, dito papasok ang virus na leptospira. Pinapayo na magsuot ng bota kapag lumusong sa baha.
Ang dengue ay dulot ng kagat ng lamok na Aedes Aeygpti. Ngayong tag-ulan, mabilis dumami ang mga lamok. Nangingitlog sila sa mga basyong bote na may tubig, tapyas na gulong, mga lata ng gatas na nakatambak at iba pa. Itapon o sirain ang mga posibleng pamugaran at pangitlugan ng mga lamok.
Dahil maraming tubo ng tubig ang nasira dahil sa baha, problema ang pagkukunan ng malinis na tubig. Sa Maguindanao del Norte, humihingi ng tulong ang mamamayan na padalhan sila ng inuming tubig. Karaniwang mga sakit na nakukuha sa pag-inom nang maruming tubig ay cholera at diarrhea.
Dalawa o tatlong bagyo pa umano ang dadalaw sa bansa bago matapos ang taon. Ibig sabihin nito, hindi pa tapos ang kalbaryo ng mamamayan. Posibleng magkaroon pa ng mga pagbaha na magdudulot ng mga sakit na may kaugnayan dito. Ibayong pag-iingat pa ang nararapat para makaiwas sa mga sakit.