Ang sakit sa likod at balakang ay nararamdaman ng halos lahat ng tao. Kung ika’y sobra sa timbang, may problema sa likod tulad ng scoliosis, o hindi nag-eehersisyo, mas maaga mo itong mararamdaman.
Kadalasang dahilan ng pagsakit sa likod ay ang muscle strain o sprain, o ‘yung sakit ng kalamnan. Para bang napilay ang likod. Ang sanhi nito ay ang pagkapuwersa sa masel sa likod dahil sa 1.) maling posisyon sa pagtulog; 2.) maling pag-upo o naka-kuba; 3.) maling pagbubuhat, nakayuko kung magbuhat o nagbuhat ng sobrang bigat; 4.) sobra sa timbang; at 5.) pagkaedad.
Ano ang gagawin?
1. Kung sobra sa timbang, kailangang magpapayat. Hindi kaya ng likod ang bigat ng tiyan!
2. Mag-ehersisyo kapag pawala na ang sakit sa likod. Napakahalaga ng ehersisyo.
3. Palakasin ang masel sa ating likod. Mag-ehersisyo ng katamtaman lang. Puwedeng gumamit ng mga kaunting weights. Kapag lumakas ang masel ng ating katawan, hindi na sasakit ang ating likod.
4. Huwag magbuhat ng mabibigat. Kung mayroon kang bubuhatin, magpatulong sa isang kasama para kalahati lang ang bigat. Mag-squat at gamitin ang lakas ng hita para maiangat ang dinadala. Idiretso ang likod. Huwag yumuko para magbuhat.
5. Iupo nang deretso ang likod. Maglagay ng suporta gaya ng maliit na unan sa upuan para laging naka-straight ang likod.
6. Huwag maglakad o umupo nang matagal. Mapapagod ang ating likod kapag nakapirmi sa isang puwesto. Ang pinakamaganda sa likod ay ang paghiga sa kama.
7. Pumili ng katamtamang kutson na tulugan. Huwag ‘yung sobrang lambot na lumulundo ang iyong likod. At huwag din matulog sa papag dahil sobrang tigas ito.
8. Matulog ng naka-“s” ang katawan. Humiga ng patihaya. Mag-unan para may suporta sa ulo at leeg. Maglagay pa ng isang unan sa ilalim ng tuhod para nakataas ito. Mas komportable sa likod ang nakabaluktot ang tuhod.
9. Kung nakatagilid kang matulog, maglagay ng unan sa pagitan ng iyong hita. Ito ay para huwag bumaluktot masyado ang ating hita at mapuwersa ang likod.
10. Puwedeng lagyan ng medyo mainit na bagay sa ating likod gaya ng hot bag na binalot sa tuwalya. Gawin ito ng 15 minutes lamang at huwag sobrahan. Baka mapaso rin ang likod.
11. Puwedeng kumunsulta sa physical therapist. Sila ay nagtuturo ng stretching exercises at iba pang exercise para sa back pain.
12. Makatutulong din ang masahe ng myotherapist or massage therapist. Pero soft massage lang o ‘yung dahan-dahan lang para lumuwag ang masel.
Kapag hindi nawala ang sakit sa loob ng 1 linggo, magpakunsulta sa isang rehabilitation medicine doctor, or orthopedic surgeon o rheumatologist.