EDITORYAL - Bundok ng basurang plastik
Hanggang ngayon, hindi pa rin natututo ang mga taong bumibisita sa sementeryo. Wala pa rin silang disiplina sa pagtatapon ng kanilang mga basura. Kahit malinaw na nakalagay sa mga gate ng sementeryo na huwag iiwanan ang basura sa mga bibisitahing puntod, hindi rin ito nasunod at naging basurahan na naman ang mga sementeryo kahapon.
Maraming sementeryo sa buong bansa ang namulaklak sa plastic na basura at nakaamba ang lalo pang paglubha ng plastic pollution. Dalawang taon na namahinga ang mga sementeryo dahil bawal ang pagtungo nang maraming tao sa mga sementeryo upang makaiwas sa COVID-19. Pero ngayon, balik na naman sa dating nakaririmarim na tanawin ang mga sementeryo.
Karaniwang mga single-use plastics ang basurang nakakalat sa mga sementeryo—sachet ng 3-in-1 coffee, plastic cup ng noodles, plastic wrapper ng biskuwit at iba pang pagkain, shopping bags at mga plastic cover ng bulaklak. Nagmistulang malaking basurahan ang mga sementeryo. Kung kailan lilinisin ang gabundok na basura sa mga sementeryo ay walang makapagsabi.
Kapag ang mga basurang plastic sa sementeryo ay inabutan ng panibagong Bagyong Queenie, at nagkaroon na naman ng pagbaha, tiyak na sa ilog at mga sapa aanurin ang mga ito at saka hahantong sa dagat. Maraming maaapektuhan kasama na ang mga lamandagat.
Sinabi minsan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang problema ng Pilipinas ukol sa plastic pollution kung saan, ikatlo ang Pilipinas sa nag-aambag ng mga basurang plastic sa karagatan. Sinabi ni Marcos na tutulong ang Pilipinas sa paglilinis sa mga basura na nasa karagatan. Hindi umano tatalikuran ang responsibilidad sa basura sa karagatan.
Ipinanukala naman ng Department of Finance na buwisan ang single-use plastics para kumita ang pamahalaan. Malaki umano ang kikitain kapag ipinatupad ito. Wala pang linaw kung magkakaroon ng katuparan ang panukala.
Kikita ang pamahalaan sa pagbubuwis sa single-use plastics subalit walang malinaw na nakikita kung paano masosolusyunan ang plastic pollution. Tiyak na patuloy ang produksiyon ng plastic kahit pa taasan ng buwis. Dapat magkaroon din ng kampanya ang pamahalaan kung paano maitatapon nang maayos ng mamamayan ang mga plastic upang maiwasan ang pagkasira ng kapaligiran. Ibawal ang pagtatapon sa kung saan-saan at ipatupad ang recycling ng basura.
- Latest