EDITORYAL - Walang respeto ang China

Kung inaakala ng mamamayang Pilipino na tumigil na ang China sa mga ilegal na ginagawa nito sa West Philippine Sea (WPS), isang maling pag-aakala. Hinding-hindi sila tumitigil. Hindi lang napagtuunan ng media ang kanilang ginagawa dahil napokus sa mga kaganapan sa bansa sa mga nakalipas na buwan. Ang totoo, patuloy ang China sa paggawa ng mga illegal structure sa WPS, particular sa Panganiban (Mischief) Reef. Ang Panganiban Reef ay nakapaloob sa 370 kilometer exclusive economic zone ng Pilipinas. Pero hindi ito kinikilala ng China kaya patuloy sila sa pagtatayo ng illegal structure sa nasabing reef.

Lingid din sa kaalaman nang marami, mayroon na namang mga bangkang pangisda ng Pinoy ang sinundan ng China Coast Guard at itinaboy upang hindi makapangisda sa teritoryo ng Pilipinas. Hindi rin ito gaanong nabigyan ng pansin dahil sa mga malalaking balita na nagsulputan gaya ng pag-rescue sa POGO workers, pagpatay sa isang mamamahayag at pagkahuli sa anak ng Justice secretary dahil sa marijuana at iba pang balita.

Ang patuloy na paggawa ng China ng illegal structures sa mga teritoryong pag-aari ng Pilipinas ay malaking hamon sa administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. Pati na rin ang ginagawang pambu-bully at pagtataboy sa mga Pilipinong ­mangingisda. Inaagawan nila ng ikinabubuhay ang mga kawawang Pinoy na ang pangingisda ang pinagkukunan ng ikinabubuhay. Mula nang okupahin ng mga Chinese ang mga teritoryo sa WPS, maraming mangingisdang Pinoy ang problemado kung paano maitatawid ang kanilang buhay at pamilya. Sa tuwing papalaot sila, aandap-andap ang kanilang kalooban at iniisip kung makakabalik pa ba ng buhay dahil sa ginagawa ng China Coast Guard. Ilang pagkakataon na binangga sila at binomba ng tubig ng CCG.

Sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr. noong Hulyo, sinabi niya na hindi siya papayag na makatapak ang sinuman sa pag-aari ng Pilipnas. Hindi raw niya igi-give up kahit square inch ng teritoryo ng Pilipinas. Ipaglalaban umano niya ang soberanya ng bansa.

Ngayon patunayan ang mga sinabi o pinangako. Magkaroon ng posisyon sa ginagawang pasilidad sa mga teritoryong napanalunan ng bansa sa arbitrary ruling ng UN tribunal noong Hulyo 2016. Ayon sa UN walang legal basis ang China sa sinasabi nilang historic rights at sa iginigiit nilang 9-dash-line claim sa inaangking teritoryo.

Hindi dapat magsawalang kibo ang bansa sa nangyayari sa WPS at kawalang respeto ng China.

Show comments