EDITORYAL - Earthquake drill nalimutan na
Hindi pa nakakabangon ang Abra sa magnitude 7.0 lindol na tumama noong Hulyo 2022, tinamaan muli ng 6.4 na lindol noong Martes ng gabi na ikinamatay ng 10 katao. Sa lindol noong Hulyo na tumama sa Tayum, 11 ang namatay at higit 600 ang nasugatan.
Ngayon ay 11 katao na ang naiulat na namatay batay sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon sa tala ng Abra-PDRRMO, ang mga nasugatan ay nagmula sa mga bayan ng Lagayan, San Quintin at San Juan. Karamihan sa mga namatay ay naguhuan ng mga nawasak nilang bahay. Apat na biktima ang natagpuan sa ilalim ng nagibang bahay.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang sentro ng lindol ay naitala 7 kilometro sa hilagang silangan ng Lagayan, Abra.
Karamihan sa mga residente ay nagkaroon ng trauma kaya ayaw pang bumalik sa kanilang bahay. Karamihan ay nagtayo ng tent sa bakuran at doon pansamantalang natutulog. Natatakot sila sa mga aftershocks.
Sa mga kuha ng CCTVs, nakita ang pagkataranta o pagpapanic ng mga residente na hindi malaman kung saan susuling o magtatago. Sa halip na mag-duck, cover and hold, nagtatakbuhan sila na mas delikado sapagkat maaring mabagsakan ng mga nabasag na salamin, kahoy at mga bato o hollowblock.
Ang regular na earthquake drill ay nararapat na buhayin. Mula nang magkapandemya, ang quake drill ay hindi na ginagawa.
Mabuting maibalik ang drill lalo na sa mga school. Mahalaga ang may kahandaan sa lindol upang maiwasan ang malalagim na trahedya.
- Latest