MAY mga pasyente akong nagtataka kung bakit hindi sila pumapayat. Kapag tinanong ko sila, ang sabi nila, isang mangga ang nakakain nila bawat kainan. Kaya naman pala!
Matamis at mataas sa asukal ang mangga. Oo, may tulong sa ating katawan ang asukal. Binibigyan tayo ng energy. Ngunit kung sosobra ay nakatataba at puwede tayong magka-diabetes.
Alam ba ninyo ang taglay na asukal ng mga pangkaraniwang pagkain?
Basahin ang mga sumusunod:
1. Raisins 42.5 g ng Sunmaid Raisins (1/2 cup) = 7 1/2 kutsaritang asukal (120 cal)
Mas mababa sa asukal ang strawberries kumpara sa ubas, mangga at dried fruits.
2. 8 baby carrots o half cup (85 g) = 1 kutsaritang asukal (30 cal)
3. 1 malaking orange = 5 1/2 kutsaritang asukal (132 cal)
Kapag mas matamis at mas hinog, mas maraming sugar. Piliin ang mga prutas na bagong hinog lang. Huwag piliin ang mga overripe na prutas.
4. Three-fourth cup plain cereals = 1 kutsaritang asukal (120 cal)
Pero ang three-fourth cup ng frosted cereals = 3 kutsaritang asukal (120 cal)
5. 1 regular na mais = 1 1/2 kutsaritang asukal.
6. 1 ensaymada na may butter = 8 kutsaritang asukal at 5 kutsaritang butter
Kung nagpapapayat, piliin na lang ang pandesal o monay.
7. 1 scoop ng regular ice cream = 5 1/2 kutsaritang asukal (240 cal)
Pero ang 1 cup unsweetened 6 oz yogurt = 3 1/2 kutsaritang asukal (100 cal)
Mas masustansya ang yogurt kaysa sa ice cream.
8. 1 coffee drink with whip cream (16 oz grande) = 12 kutsaritang asukal (380 cal)
Pagdating sa mga inumin na may whip cream, ice cream at tsokolate, sadyang mataas iyan sa asukal. Pero, okay lang naman kung ika’y payat at gusto mong magpataba. Ngunit kung ika’y diabetic at gustong pumayat, piliin ang mga pagkaing mababa sa asukal.
Mas healthy ang asukal ng prutas na kung tawagin ay fructose, kumpara sa white sugar. Kaya maging maingat sa mga nakatagong asukal sa ating pagkain.