EDITORYAL - Mag-face mask pa rin para makasigurong ligtas

Ngayong araw na ito posibleng mag-isyu si President Ferdinand Marcos Jr. ng executive order na gagawin nang voluntary ang pagsusuot ng face mask sa mga nasa loob ng establisimento­, tanggapan, mall, restoran, maliban na lang sa mga nasa pampublikong sasakyan at mga ospital. Hindi na oobligahin at nasa indibiduwal na ang pagpapasya kung magsusuot ng face masks o hindi.

Ang boluntaryong hindi pagsusuot ng face mask ay inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF). Nagkaroon ng Cabinet meeting noong Martes at sumang-ayon si President Marcos Jr. na gawin nang boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa mga nasa loob ng tanggapan o opisina sa buong bansa.

Ayon kay Tourism Sec. Christina Frasco, ang boluntaryong pagsusuot ng face mask ay malaki ang maitutulong para makahikayat ng mga dayu­hang turista at investors. Malaki aniya ang magagawa sa pagpapaunlad ng turismo kung hindi na sapilitan ang pagsusuot ng face mask.

Marami nang bansa sa Southeast Asia ang nag­luwag sa restrictions gaya nang hindi pagsusuot ng face mask at pag-aalis sa mandatory COVID testing. Halimbawa sa Thailand, maluwag nang nakakapasok ang mga turista kaya buhay na buhay na umano ang turismo roon. Sabi pa ng tourism secretary, marami na umanong dayuhan ang nagsisidatingan sa bansa sa kasalukuyan.

Isa sa mga pinangangambahan sa boluntaryong pagsusuot ng face mask ay ang pagkalat ng Omicron XBB variant at XBC variant. Ayon sa Department of Health may naitatalang local transmission ng mga nasabing variant. Isa rin sa pinangambahan ay ang paparating na Kapaskuhan kung saan marami na naman ang naghahanda para sa party at iba pang kasayahan. Marami rin ang family reunion sa panahong ito.

Mas maganda kung ituloy pa rin ang pagsusuot ng face mask lalo sa lugar na maraming tao o maski sa opisina. Mabuti nang nakasisiguro. Kailangan ay may proteksiyon.

Show comments