Kung ako ang tatanungin, karapat-dapat maging Health Secretary si Dr. Willie Ong. Kaso, wala pang isang taon simula nang kumandidato siya sa pagka-vice president kaya bawal pa na mahirang siya sa anumang puwesto sa pamahalaan.
Marami na raw inalok si Presidente Bongbong Marcos na mga doktor sa position ng Health Secretary pero sila ay tumanggi. Marahil, traumatized sila sa nangyari kay dating Health Secretary Francisco Duque na nasawsaw sa maraming kaso ng katiwalian lalo na noong kasagsagan ng pandemic.
Natatakot siguro ang mga doktor na inalok sa puwesto na madungisan ang integridad. Totoo naman na ang pag-okupa sa anumang cabinet position ay magbibingit sa appointee na marungisan ang integridad. Kahit hindi ka corrupt, puwede kang gawan ng kaso ng mga nag-iinteres sa iyong puwesto.
Kung katapatan at integridad ang pag-uusapan, taglay ni Dr. Willie ang lahat ng katangiang iyan. Dati nang maykaya sa buhay si Doc Willie at sapol pa nang makilala ko siya nang mag-apply siyang kolumnista sa Pilipino Star NGAYON, siya at ang kanyang magandang kabiyak na si Doc. Liza ay magkatuwang nang nagsasagawa ng free medical service sa mga mahihirap na lugar gamit ang personal resources.
Sana, kung wala pang permanenteng DOH Secretary at puwede nang i-appoint si Doc. Willie, huwag sana niya itong tanggihan. Iyan naman ay kung hihirangin siya ni Presidente Marcos.
Siyempre naririyan ang panganib na may mga maninira sa kanya pero dahil sa magandang reputasyon na napatunayan na niya sa taumbayan ay hindi na paniniwalaan ang anumang paninira.