Jab well done! Bakuna laban sa pneumonia
Dahil bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, halos balik normal na ang buhay ng karamihan sa atin. Niluwagan na ng IATF ang alituntunin sa pagsusuot ng face mask. Opsyonal na ang paggamit nito sa open spaces at lugar na hindi matao. Maaaring mas bumuti na nga ang sitwasyon ng Covid, subalit mayroon pang isang respiratory problem o problema sa paghinga na patuloy na nakakaapekto sa malaking bilang ng populasyon ng Pilipino—ito ay ng pneumonia o pulmonya.
Nakapanayam ko para sa isang ispesyal na episode ng Pamilya Talk, si Dr. Arthur Dessi Roman, isang infectious disease specialist sa Manila Doctors Hospital. Sabi niya, ang pulmonya ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaospital at pagkamatay ng mga Pilipino. Makikita din sa datos ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na nangunguna ang pulmonya sa listahan ng mga sakit na gumagamit ng insurance claims at reimbursements taon-taon.
Ano nga ba ang pulmonya at paano ito naiiba sa karaniwang ubo at sipon? Ang mga impeksyon sa paghinga ay karaniwang nagsisimula sa simpleng ubo, sipon, at lagnat. Subalit kung ang isang pasyente ay nagpapakita ng mga sintomas tulad ng mataas na lagnat, pagkawala ng gana sa pagkain, patuloy na pag-ubo na nagdudulot ng makapal na dilaw o berdeng plema, at nahihirapang huminga, maaaring siya ay dumaranas na ng bacterial pneumonia, sabi ni Dr. Roman.
Ang pulmonya ay impeksiyon sa isa o parehong baga na sanhi ng bacteria, virus, o fungi. Kapag may impeksyon sa baga, namamaga ang mga daanan ng hangin at ang air sacs ay napupuno ng plema at iba pang likido. Ang pamamaga ng baga ay nagpapahirap sa pasyente na huminga. Ang pulmonya ay isang kondisyon na maaaring humantong sa mga seryosong komplikasyon (respiratory failure, pagkakalason ng dugo, lung abscess) o kamatayan.
Malaki ang posibilidad na kapitan ng pulmonya ang mga batang wala pang limang taong gulang, lalo na ang mga sanggol, dahil ang kanilang immune system ay hindi pa fully developed. Gayundin ang mga senior citizen (nasa gulang na 60 pataas) dahil humihina ang immune system kapag tumatanda. Sabi ni Dr. Roman, sa Pilipinas mayroon ding mga pag-aaral na nagsasaad na ang mga taong may edad na 50 taong gulang pataas, lalo na ang may comorbities o delikadong mga sakit o medical conditions tulad ng diabetes, hika, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at sakit sa puso, ay maaaring magkaroon ng malalang uri ng pulmonya.
Upang maiwasan ang pulmonya, mahalagang magkaroon ng healthy lifestyle—magkaroon ng sapat na tulog, magpanatili ng malusog na diyeta (umiwas sa matamis at matabang pagkain), at regular na pag-eehersisyo. Ang pag-obserba sa mga protocol ng COVID-19 (ang paggamit ng face mask, tamang kalinisan, physical distancing) ay makakatulong din nang malaki upang maiwasang mahawaan ng sakit na ito.
Huwag maniwala sa miskonsepsyon o sabi-sabi ukol sa pulmonya. Una, hindi totoo ang paniniwalang ang pulmonya ay malalang uri lamang ng sipon na hindi dapat ipag-alala. Gaya nga ng naunang nabanggit kanina, kung hindi ito matugunan nang maaga, ang pulmonya ay maaaring humantong sa malubhang komplikasyon, o kamatayan.
Akala din ng iba na ito ay sanhi ng natuyong pawis at sobrang pagkapagod. Isa rin itong maling akala. Maaaring magdulot ng pulmonya ang iba't ibang mikrobyo, kabilang ang bacteria, fungi, at virus, kabilang ang influenza at Covid-19 virus.
Pinabulaanan din ni Dr. Roman ang paniwala ng iba na mapoprotektahan tayo ng Covid-19 vaccine laban sa pulmonya. Ang bakuna sa Covid ay makakatulong upang protektahan tayo mula sa malubhang sintomas ng coronavirus, subalit hindi nito ginagarantiyahan ang proteksyon mula sa pulmonya.
Ang isa sa epektibong paraan upang maiwasan ang pulmonya ay ang pagpapaturok ng pneumococcal vaccine. Pinapababa nito ang tsansa na magkaroon tayo ng pulmonya, at kung magkaroon man tayo nito, makatutulong ito upang maiwasan ang malubhang komplikasyon, sabi ni Dr. Roman.
Ang senior citizens (edad 60 taong gulang pataas) ay madaling kapitan ng sakit na ito dahil sa kanilang mahinang immune system at iba pang comorbidities o sakit. Kaya’t lubos silang pinapayuhan na magpabakuna laban sa pulmonya.
Maaaring magpabakuna ng pneumococcal vaccine sa ospital. Ngayong nasa ‘new normal’ tayo, ang pharmacists ay pinapayagan ding magbakuna sa pamamagitan ng Resbakuna sa Botika program. Ito ay pinagsamang inisyatiba ng gobyerno at pribadong sektor na naglalayong palawakin ang programa ng pagbabakuna sa bansa at tugunan ang kakulangan sa mga bakuna. Ang mga bakuna para sa pulmonya o trangkaso ay makukuha sa ilang botika sa bansa.
Walang dapat ipag-alala ang senior citizens na hindi kayang magbayad ng bakuna sa pulmonya dahil ang Kagawaran ng Kalusugan ay may kampanya para rito. Maaaring makakuha ng libreng pneumococcal vaccine—isang dose sa edad na 60 at pagkatapos ay isa pang dose pagkatapos ng 5 taon. Isinasaad ng RA 9994 o ang “Expanded Senior Citizens Act of 2010” na ang mga mahihirap na senior citizen ay may karapatan sa libreng bakuna para sa pneumonia at influenza.
Upang labanan ang pulmonya, kailangang baguhin ng mga Pilipino ang kanilang pananaw ukol sa bakuna, sabi ni Dr. Roman. Dapat malabanan ang tinatawag na vaccine hesitancy o yung pag-aatubiling magpabakuna. “Ang problema natin [sa pneumonia ay] yung higher risk ng pagkamatay. At ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna,” sabi niya.
Masusugpo lamang natin ang sakit na ito sa pagtutulungan ng mga health experts, ng gobyerno, at higit sa lahat sa kooperasyon ng mamamayang Pilipino.
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest